Matapos ang isang matinding labanan, nanalo ang team ni Een Mercado sa ONE Esports Call of Duty: Warzone Showdown na ginanap noong May 15, 2021.

Tinalo ng team ni Een Mercado ang team ni Myrtle Sarrosa sa quarterfinals, matapos makakuha ng 26 points o kills, habang ang team naman ni Sarrosa ay nakakuha ng 16 kills.

Hinarap naman ni Mercado ang team ni Alita Zunic sa semi-finals, at matapos ang isang matinik na labanan, na-clutch ng Team Een ang laro at nanalo nang may 1 point advantage laban sa team ni Alita.

Sa grand finals naman ay nakipagbakbakan ang team ni Een laban sa team ni Ashley Gosiengfiao na tinalo ang team ni Khenji Gaming at Tricia Potato.

Unang tumalon sa TV station ang Tema Een at agad-agad itong nakasungkit ng 3 kills. Ang kanilang mahusay na comms at chemistry ang isa sa mga pinakamalaki, o di kaya ito ang pinakamalaking dahilan kung bakit sila nanalo. Makikita sa match kung paano nag-eenjoy si Een sa laro, kahit na $US15,000 ang nasa linya.

Matapos nila mag-ronda sa Downtown district, natumba si Een pero agad-agad naman siyang ni-revive ng teammate na si Francis. Na-down naman muli si Een ngunit iniligtas siya kaagad ng teammate na si Codjumper.

Mapapansin na ang mga teammates ni Een, partikular si Francis, ang masasabing MVP ng laro dahil pinapatunayan nila ang totoong halaga ng teammwork sa kanilang ilang beses na pag-revive kay Een.

Ito ay halatang-halata noong na-sniper si Een, at noong akala mong oras na niya para makipaglaban sa Gulag, biglang dumating ang kaniyang teammates muli para siyang i-revive sa tamang oras.

Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi na isang matinding player si Een, dahil nakasungkit pa rin siya ng ilang kills sa buong laro ng grand finals. Pinakita niya ang kaniyang galing noong nanalo siya sa Gulag matapos mamatay sa isang bakbakan.

CallofDutyWarzoneShowdown_EenMercado
Screenshot ni Pauline Faye Tria/ONE Esports

Isang laugh trip ang dulo ng labanan, noong si Francis na lamang ang natitira. Wala siyang suot na armor, at noong nagtatago siya sa kalaban, maririnig na sumisigaw siya at puro tawanan sila ng team nila. Halatang masaya sila kahit na mainit ang labanan. Kahit hindi man nanalo ang team ni Een sa match matapos maging fourth place, sila naman ang naging kampeon ng ONE Esports Call of Duty: Warzone Showdown, matapos nila talunin ang team ni Ashley, 24-3 kills.

Sabi naman ni Een matapos ang laro, isa nang pribilehiyo ang maging parte ng tournament na ito.

“I was really happy joining this tournament already, it’s already a big opportunity for me to know that I’m a streamer, I’m a PC gamer, I dont play mobile games so I’m really happy to be a part of this,” ani ni Een.

Dagdag pa niya, hindi niya hangarin makipag-kompetensya sa ibang streamers, ngunit gusto lamang niya mag-enjoy. Ani pa niya, bibili pa siya ng mga halaman sa bahay niya gamit ang US5,000 na makukuha niya, para patunayan na siya ay isang certified “plantita.”

“Ashley, she’s a very close friend of mine, we do play games together as well, so we were like, whoever wins will get more plants.”