Katatampukan sa Day 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 8 Playoffs ang bakbakang Smart Omega vs ECHO na paniguradong magpapasabik sa mga MPL fans.

Susubukang muli ng MSC 2021 Grand Champions na patunayan kung bakit sila ang pinaka-kinatatakutang team sa rehiyon, habang tatangkain naman ng pangkat ni Christian “Rafflesia” Fajura na patahimikin ang pamosong kupunan.

Bago ang kanilang paghaharap, samahan niyo kaming siyasatin ang naging performance nila sa kabuuan ng season, kasama na din ang ipinakita nila sa isa’t-isa sa dalawang beses nilang paghaharap.


Regular Season Statistics ng Smart Omega at ECHO

Credit: ECHO

Kung titignang maigi ang statistics sa mga importanteng kategorya ng laro, mahihinuhang madikit talaga ang labanang Smart Omega vs ECHO.

CategorySmart OmegaECHO
Kills per Game1311.91
Assists per Game24.2425.45
Lord Kills2628
Turtle Kills4950
Towers Destroyed177174

Magkawangis ang mga numerong naitala ng dalawa sa assists, lord kills, turtle kills at towers destroyed na maiuugnay sa kanilang prayoridad sa pagkuha ng mga objectives.

Maaaring ito rin ang rason kung bakit sa kongklusyon ng MPL PH Season 8 Regular Season ay magkatabi ang dalawa sa standings kung saan nasa 4th place ang Smart Omega at nasa 5th place naman ang ECHO.

Hindi rin kataka-taka na sa dalawang Smart Omega vs ECHO matchups na nasaksihan ng mga miron, nakapagtala ang mga teams ng tig-isang series sweep kontra sa isa’t-isa.


Magkalapit ang Stats ni Kelra at Bennyqt

Credit: ECHO at Kelra

Bukod sa regular season team stats, maganda ring ikumpara ang performance ng mga superstars na sina Benedict “Bennyqt” Gonzales at Duane “Kelra” Pillas.

Matatandaang nakasentro ang atake ng parehong kupunan sa kanilang mga gold laners, na parehong magilas na bumuhat sa kanilang mga kupunan lalo na sa late game.

CategoryBennyqtKelra
Average Kills2.974.06
Average Deaths1.681.78
Average Assists3.973.24
Average KDA4.144.13
Kill Participation19%21%

Mistulang magkabiyak ang mga inilistang statistics ng dalawang players sa regular season. Kung pagbabasihan na lamang ang bottomline numero ng dalawang players, parehong-pareho ang kinalabasan para kay Bennyqt at Kelra na may magkasunod na 4.14 at 4.13 average KDA.

Bagamat ganito, malaki ang kaibahan ni Kelra pagdating sa average kills kung saan namayagpag siya sa statistics battle kontra sa ECHO superstar. Maaaring dulot ito ng agresibong playstyle ng kaniyang kupunan, na kilala sa pagkuha ng mga risky plays sa kanilang mga laban.


Smart Omega vs ECHO matchups sa Regular Season

Bida sa Week 1 Day 3 at Week 6 Day 2 ang Smart Omega vs ECHO matchups kung saan ipinamalas ng dalawang kupunan ang gigil nila sa isa’t-isa.

Naunang nagpasiklab ang ECHO sa Week 1 na mabilis na winalis ang MSC 2021 Champs. Nanguna sa atake si Rafflesia gamit ang kaniyang Tank Chou na pumigil sa rotation ng Omega at nagbukas ng mga oportunidad para sa mga importanteng kills para sa kaniyang kupunan.

Credit: ECHO

Bagamat may kasamang bangungot dala ng mabilis na trabaho ng ECHO kontra sa kanila, hindi naman nagpapigil ang Omega sa kanilang muling paghaharap sa Week 6.

Bumwelta ang mga hari ng Southeast Asia tampok ang malahalimaw na gameplay ni Renz “Renzio” Cadua sa EXP lane hawak ang Phoveus na sumelyo sa 2-0 revenge sweep ng kaniyang kupunan.

Credit: Smart Omega

Bukod sa naipaghiganti nila ang kanilang pagkatalo sa unang bahagi ng season, naitabla rin ng Smart Omega ang season series kontra ECHO.

Credit: Smart Omega

At ngayong papasok na ang MPL PH Season 8 Playoffs, maraming fans ang hindi pa rin mapalagay kung saan pupusta sa Smart Omega vs ECHO matchup.

Credit: ECHO

Sinuman ang iyong manok, siguraduhing nakasubaybay sa pinakahuling balita tungkol sa MPL PH Season 8 Playoffs sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!