Kinumpirma ng superstar Twitch streamer na si Michael “Shroud” Grzesiek na sasali sya sa paparating na VCT NA Stage 3 Challengers 2 Open Qualifier.

Pumutok ang balita nang nag-stream si Shroud ng unang VCT NA Stage 3 Challengers 1 Open Qualifier at ibinahagi ang intension nyang mag-compete sa competitive regional circuit ng Valorant.

Plano din nyang maglaro sa Open Qualifier kung saan ang pinakabagong Valorant agent na si KAY/O ay maaari nang gamitin sa competitive play.

“So the next qualifier is probably where they’re gonna play KAY/O. That’s cool, that’s the one I’m supposed to play in. I’ll run around and silence things,” ibinahagi ni Shroud.

Sino ang magiging kakampi ni Shroud sa darating na VCT NA Stage 3 Challengers 2 Open Qualifier?

Gaming ShroudreturnTwitch
Credit: Shroud/Twitch

Team ni Shroud para sa VCT NA Stage 3 Challengers 2 Open Qualifier

  • Michael “Shroud” Grzesiek
  • Jordan “n0thing” Gilbert
  • ShawnBM

Sinabi ng sikat na Twitch streamer na plano nyang maglaro kasama ang kanyang dating Cloud9 CS:GO teammate na si n0thing at top Valorant streamer na si ShawnBM.

Ipinaliwanag din nya na hindi sya pwedeng kumampi sa ibang sikat na Twitch streamers tulad ni Brandon “Ace” Winn at ang isa pa nyang dating C9 teammate na si Sean “sgares” Gares dahil kasalukuyan na silang nakapirma sa NRG at Gen.G Esports.

May panuntunan ang Riot Games na ang mga esports organizations ay maaari lamang magkaroon ng isang participating team sa mga Valorant Champions Tour (VCT) events upang mapanatili ang integridad ng palaro. Ang isang player na nakapirma sa isang organisasyon ay hindi maaring sumali sa ibang team ayon sa Competitive Policies and Rules for Valorant Esports ng VCT.

Plano rin ni Shroud na i-stream ang kanyang unang VCT matches sa kanyang Twitch channel kung pahihintulutan sya ng Riot Games.

Kelan ang simula ng VCT NA Stage 3 Challengers 2 Open Qualifier?

Valorant VCTNAStage3BroadcastSchedule
Credit: Riot Games

Ang tournament ay nakatakdang ganapin sa July 22 hanggang 25 kung saan ang mga mananalo ay uusad sa Main Event.

Ang top four teams ng Main Event ay makakapasok sa playoffs, kung saan ang top three North American teams ang maglalaro sa VCT Stage 3 Masters Berlin international tournament.