Kaayaaya ang bagong kimono sets na inilabas ng Kimono by Nadeshiko na ginawang inspirasyon ang Super Mario Bros.
Perpekto ang Super Mario kimono sets ngayong summer

Kung isa ka sa mga fan ng tradisyunal na Japanese clothing at Super Mario Bros. siguradong swak sa panlasa mo itong mga bagong apparel na ito.
Kasama ang department store na Parco, inilabas ng Japanese brand na Kimono by Nadeshiko ang linyang ito ng mga yukata (summer kimono) na hinango sa video game series ng Nintendo.
May apat na magkakaibang Super Mario kimono robes na mapagpipilian. Sa apat na ito, pinakamarami ang naaliw sa kulay asul na set na ibinase sa Super Mario World 1-1. Gayang-gaya sa set na ito ang bughaw na kalingitan sa world na ito, mga ulap, mga golden coins, kasama na din ang matataas na green pipes at bricks.

Makikita naman sa mga manggas ng set ang dark-to-light-blue na gradient. Kung titignan ng mas malapit, mapapansin mo din ang magkapatid na Mario at Luigi na kasama si Yoshi!
Siguradong mabibighani ka sa night-mode version ng yukata na ito. Halos pareho lang din ang disenyo nito sa kulay asul na set pero ang pinagkaiba lang ay ang idinagdag na ‘M’ sa may bandang dibdib na nagbigay ng mas classy na itsura.

Kung mahilig ka naman sa monochromatic style, perpekto naman ang kulay pulang Super Mario kimono para sayo. Tampok naman sa set na ito ang mga patterns na ipinapakita sina Mario, Princess Peach, Bloopers at iba pang mga characters savideo game.
Sa kabilang banda naman, ang teal na yukata ay para naman sa mga minimalist. Mukhang normal na checkered robe lang ito sa unang tingin pero sa malapitan, makikitang Mario blocks ang bumubuo ng mga squares nito.
Siyempre, hindi makukumpleto ang sets na ito kung wala ang kaparis nitong obi(kimono sash). Reversible ang ginawang obi ng Kimono by Nadeshiko na monochromatic red print ang isang mukha at makulay na patterns naman na may shrooms at blocks ang nasa kabila.
Saan makakabili ng Super Mario kimono?

Lahat ng kimono robes ay US$626 (PhP 30,550) at makukuha mo naman ang obi sa presyong US$229(PhP 11,175).
Ang limited edition Super Mario kimono sets na ito ay magiging available lamang mula July 1 hanggang August 15 sa mga Parco department stores sa Sapporo at Hiroshima Japan.
Mabibili rin ito sa online store ng Parco na may international shipping services din katambal ang WorldShopping.