Susi sina Pinoy imports Allen “Baloyskie” Baloy at Jaymark “Janaaqt” Lazaro sa 2-0 sweep ng Geek Fam ID kontra Rebellion Zion sa ikalawang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia Season 10 (MPL ID S10).

Napakaimportante ng panalong ito para sa organisasyon dahil naputo nito ang kanilang nakakapanlumong 17-game losing streak sa liga. Huli silang nanalo noon pang regular season ng MPL ID S8 laban sa parehong koponan.

Bagamat nag-ambag naman ang lahat sa tagumpay, ang kakakuha lang na Pinoy pros na sina Baloyskie at Janaaqt ang nagdala ng laro para sa Geeks. Nakuha ni Janaaqt ang MVP sa unang game gamit ang kanyang Julian habang malaki naman ang ginampanan ng Grock ni Baloyskie sa ikalawang laro.


Ang dominanteng panalo ng Geek Fam ID kontra Rebelion Zion sa MPL ID Season 10 Week 2

Baloyskie at Janaaqt ng Geek Fam ID
Credit: ONE Esports

Sa Game 1, pumili ng hyper-aggressive lineup ang Geek Fam ID sa panguguna ng Julian ni Janaaqt, signature Natalia ni Baloyskie, Claude at Esmeralda. Subalit mas team fight-oriented naman ang composition ng Rebellion Zion na may Mathilda at Faramis sa frontline.

Napakabisa ng agresibong playstyle ng Geeks sa unang laro at matapos lumamang ng 9K gold sa 10-minute mark, tumulak na sina Janaaqt at kanyang mga kasamahan sa bot lane kasama ang Enhanced Lord para ilista ang 13-minute victory.

Kumana si Janaaqt ng perpektong 7/0/5 KDA gamit ang Julian upang pagbidahan ang 21-5 kill score sa pabor ng Geek Fam ID.



Nag-regroup ang Rebellion Zion sa Game 2 at sumagot ng sarili nilang agresibong lineup na binubuo ng Aamon, Beatrix at Lunox. Team fight-heavy comp naman ang binuo ng Geek Fam Id sa pangunguna ng Grock ni Baloyskie, Claude at YVe.

Mas dikdikan ang bakbakan sa pagkakataong ito. Nakuha ng Rebellion ang kaunting kalamangan sa kills at gold sa unang limang minuto ngunit naagaw ito ng Geeks matapos kumitil ng tatlong kalaban sa isang clash sa mid lane 7 minuto sa laro.

Napanatili nila ang map control hanggang sa ma-secure ang Enhanced Lord sa 13 minuto. Muntik nang madepensahan ng Rebellion ang kanilang base nang mapatay ang tatlo sa Geek Fam, pero nag-focus si Baloyskie sa pag-hit ng crystal habang ginugulo ni Janaaqt (Julian) ang mga kalaban upang maselyo ang 2-0 panalo.



Bakas ang saya ni Baloyskie sa press conference at sinabi niyang ang tagumpay na ito ay simula pa lang para sa Geek Fam ID.

“I think this win is very important because we really need it at this time,” ani niya. “We still need to be more confident for our next match, and this is a good momentum to face an even tougher opponent next week.”

Sa darating na weekend, makakaharap ni Baloyskie ang dati niyang teammate sa ONIC PH na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol dahil magsasagupaan ang Geek Fam ID at ONIC Esports sa Linggo.

Para sa MLBB at MPL news at updates, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Base ito sa orihinal na katha ni Jules Elona ng ONE Esports.