Bulong-bulungan ngayon sa eksena ang posibildad ng pagka-disband ng Burmese team na Falcon Esports, ang isa sa mga koponang nagpakilala sa bansang Myanmar sa international stage ng Mobile Legends: Bang Bang.
Ito ay karugtong ng mga pahayag ng jungler ng koponan na si Pyae “Kenn” Ko na unang iniulat ng Esports ID, katuwang na din ang komentong inilbas ni Min “Naomi” Ko sa isang post sa Instagram. Parehong sumentro ang pahayag ng dalawang Falcon Esports pro sa hirap na dinadanas ng kanilang bansa, gayundin ang kawalan ng MLBB Professional League dito.
Kenn at Naomi nagkomento ukol sa sitwasyon ng Falcon Esports at MLBB eksena sa Myanmar

Hindi itinago ni Kenn ang malalang sitwasyong kinakaharap ng Myanmar na aniya ay malaki ang epekto sa kalagayan ng MLBB eksena doon. Kuwento niya na unang iniulat ng Esports ID, “The situation is getting worse, there is no electricity there.”
Bago pa lumipad papunta sa 32nd Southeast Asian Games (SEAG) sa Cambodia, inamin ng Falcon jungler na nagkaroon sila ng kaliwa’t-kanang debate ukol sa magiging direksyon ng team, at kasama na dito ang usapin ukol sa pagbuwag ng kasulukuyan nialng lineup. “But in the end we decided that this would be our last dance,” dagdag niya.

Nagkataon namang nagkomento sa Instagram post ng esports media na IESPL.ID ang kapwa Falcon Esports pro niya na si Naomi na sumegunda nang sabihin na talagang naghihikahos na ang MLBB eksena sa bansa.
“It is true [that] there is a lot of difficulties playing in Myanmar here. We are enduring a lot because we love the game so much,” aniya.
Gayunpaman, umaasa daw si Naomi na magbabalik sa normal ang sitwasyon sa bansa at nanatiling tiwala na darating din ang pagkakataon na magkakaroon ng MPL dito.

Samantala, naka-antabay ang mga miron ngayon sa opisyal na pahayag ng esports organization ukol sa kapalaran ng kanilang Mobile Legends team.
Bagamat nagtapos lamang sa 5th to 6th place, maraming pinabilib ang Falcon Esports matapos pagulingin ang makabag-damdaming kampanya sa M4 World Championship. Dikdikan ang kinabilangang matchups ng Burmese team kontra sa mga bigating MPL regions tulad na lamang ng Blacklist International na itinumba nila ng dalawang ulit sa Group Stage.
Ipinagpatuloy ng lineup ang kanilang pambihirang play sa international stage sa 32nd SEA Games, sa pagkakataon namang ito ay sa ilalim ng watawat ng Myanmar.

Nakalawit ng team ang bronze medal sa likod ng Malaysia, at ng gold medalists na SIBOL MLBB ng Pilipinas sa pagtatapos ng torneo.
Sundan ang pinakahuli sa MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Egyptian squad na Team Occupy ang kakatawan sa MENA sa MSC 2023