Hindi naging sapat ang momentum mula sa Group Stages para palawigin ng Blacklist International ang kanilang kampanya matapos padapain ng BloodThirstyKings sa unang match ng M3 Playoffs Upper Bracket.

Bagamat humawak ng maagang 2-1 lead sa serye dala ng mahusay na Alice at Lunox ni Kiel “OHEB” Soriano ay hindi naagapan ng MPL Philippines Season 8 Champions ang nagbabagang atake ng mga taga-North America.

Sa game 4 ng serye, perpektong maniobra sa Lolita ang isinalang ni Shark para bigyan ng espasyo ang Granger ni MobaZane na makahabol mula sa malubak na early game kung saan sinentro ng Blacklist ang kanilang atake.

Hylos jungler at Mathilda roamer ng V33Wise ang pumronta para sa PH team na hindi nagdalawang-isip na umabante sa harap BTK. Gayunpaman, solidong depensiba ang inilunsad ng NA team sa pangunguna ni Shark para apulain ang Blacklist, puwersahin ang game 5, at baguhin ang tadhana ng serye.

Credit: Moonton/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Sa punto ding iyon pinabilib ni Victor ang mga miron matapos ilabas ang tunay niyang husay gamit ang Esmeralda. Walang takot na inilatag ng BTK EXP laner ang kaniyang Falling Star Moon sa gitna ng mga team fights para paurungin ang mga Pinoy.

Credit: Moonton/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Hindi na nagawa ng Blacklist na depensahan ang kanilang base matapos mapasubo sa isang team fight sa bottom lane sa ika-12 minuto ng laro na nagresulta sa isang wipeout.

Sa pagkatalo ng Blacklist sa M3 Playoffs Upper Bracket, mapupuwersa silang bumabad sa lower bracket kung saan makakatapat nila ang mananalo sa bigating labanan ng Team SMG ng Malaysia ang ONIC Esports ng Indonesia.


Sundan ang mga pinakahuling balita tungkol s M3 Playoffs Upper Bracket sa pamamagitan ng pagsunod sa ONE Esports Philippines sa Facebook.