Nagawang pababain ng RSG Slate Philippines ang ECHO papunta sa lower bracket ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11) playoffs, at malaking bahagi ng tagumpay na ito ay dahil sa kanilang jungler na si John “Irrad” Abarquez.

Nagsagupaan ang dalawang teams sa ikalawang araw ng playoffs, kung saan isang umaatikabong bakbakan at kaliwa’t kanang sagutan ng matitinding plays ang naganap sa Land of Dawn. Ngunit sa huli, umuwi ang tagumpay sa kamay ng RSG sa score na 3-2.

Sa kabuuan ng series ay kapansin-pansin ang nangingibabaw na husay na ipinakita ni Irrad, lalong lalo na sa mga delikadong sitwasyon, mula sa mga mala-delubyong team fights hanggang sa mga makapigil-hiningang Lord dance, na nagdikta ng kinahinatnan ng laban. Isang bagay na hindi madaling gawin lalo kung ang katapat ng inyong koponan ay ang M4 World champions.

Irrad sinabing para kay Coach Navi ang kanyang laro

RSG Ignite Head Coach Navi
Credit: Ivan Emmanuel Gacho/Coach Navi

Si Irrad ay isang player na nagmula sa RSG Ignite, ang Mobile Legends: Bang Bang Development League Philippines (MDL PH) team ng kanilang prangkisa, at nagsimula lamang maglaro sa MPL sa huling linggo ng regular season bilang kahalili ni John Paul “H2wo” Salonga.

Sa loob ng ilang linggo lamang na paglalaro kasama ang team, sadyang nakakabilib ang ipinapakitang adjustment at galing ng jungler, lalo na sa kanilang pagpasok sa playoffs.

Sa post-match press conference matapos ang kanilang ‘di matawarang tagumpay, ibinahagi ni Irrad ang dahilan ng kanyang nag-uumapoy na kumpyansa sa pagpasok sa playoffs na naghatid sa kanyang koponan patungo sa Upper Bracket Finals.

“Na-motivate ako nang sobra,” kwento ng ni Irradicator. “Lalo pa nung last two weeks yata, nawala yung coach namin.”

Irrad MPL PH S11 playoffs autograph signing
Credit: MPL PH

Masakit para sa player ang kamakailan lang na pagpanaw ng kanilang MDL coach na si Ivan Emmanuel “Navi” Gacho. Bilang parangal sa alaala ng yumaong coach, inalay ng jungler ang kanyang laro para kay Navi at pinaghugutan ito ng motivation upang lalo pang galingan at ibigay ang lahat nang kanyang makakaya.

“Inalay ko rin yung laro ko dun para sa kanya. Nawala yung pressure ko sa laro, kasi inisip ko ibibigay ko na lang yung best ko para makabawi.”

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag ay natigilan si Irrad na dulot marahil ng matinding emosyon.

“Wala na kong masabi.”

Makakaharap ng RSG ang defending MPL PH champions na Blacklist International sa Upper Bracket Finals ng playoffs ngayong Sabado, May 6, 5:00 p.m., GMT+8.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:

Para sa iba pang balita tungkol sa esports at MPL, i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.