Winalis ng TNC Pro Team ang kasalukuyang kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup at M-series World Championship para simulan ang kanilang kampanya sa MLBB Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Walang bakas ng koponan na nagtapos sa pinakahuling puwesto noong nakaraang season ang nagpakitang-gilas sa opening week ng nasabing paligsahan. Tinalo lang naman nila ang Smart Omega at Blacklist International para tapusin ang unang linggo ng regular season nang hindi nadudungisan ang kanilang win-loss record.

TNC winalis ang Blacklist International

‘Di nabulas ng Franco pick ni Mark Jayson “ESON” Gerardo ang TNC sa unang mapa. Nakapagtala ng maagang kalamangan ang koponan matapos maka-Triple Kill ng Lancelot ni Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu, ilang sandali matapos nilang makuha ang ikalawang Turtle.

Mula noon, wala nang ibang ginawa ang TNC kung hindi humarurot. Isang malinis na wipe out kontra Blacklist International, bandang 15-minuto ng bakbakan, ang tuluyang pumako sa kanilang pagkapanalo. Nagtala si SDzyz ng pitong kills at dalawang assists nang hindi namamatay para kilalanin bilang MVP ng unang mapa.

TNC undefeated sa opening week ng MPL PH Season 9
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Mas bakas na sa draft ang “new shade of BLCK” pagtungtong sa second game. Sa unang pagkakataon kasi, pinamando ng koponan ang Chou sa gold laner nitong si Kiel “OHEB” Soriano, habang napagamit na ng Ling ang rookie nilang si Kent Xavier “Kevier” Lopez.

Bagamat mas dikit, at sa mas mahabang pagkakataon, ay mas lamang ang Blacklist International ‘pag dating sa kills, hindi pa rin ito naging sapat para maitabla ang serye kontra TNC. May sariling pasabog din kasi ang koponan sa porma ng Valentina ni Jomarie “Escalera” Delos Santos at Esmeralda ni Mark “Kramm” Rusiana na hinirang bilang MVP ng ikalawang mapa matapos kumana ng apat na kills at tatlong assists kontra isang death.

TNC undefeated sa opening week ng MPL PH Season 9
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Dahil sa kanilang pagwawalis kontra Smart Omega at Blacklist International, naka-upo ngayon sa tugatog ng standing ang TNC na may anim na puntos mula sa 4-0 match record.

Susubukan ng koponan na ipagpatuloy ang kanilang undefeated streak sa susunod na linggo kontra ‘super team’ ng ECHO.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa Mobile Legends: Bang Bang, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.