Tagumpay ang streamer na si Aydan “Aydan” Conrad sa kauna-unahang Call of Duty: World Series of Warzone Trios kasama ang mga squadmates na sina Jordan “HusKerrs” Thomas at Rhys “Rated” Price.

Nakabibilib ang pinakita ng squad sa kabuuan ng six-match tournament. Bagamat walang Warzone victory na nakamit, nagpaulan naman sila ng sangkatutak na kills sa 50-squad custom lobby.

HusKerrs at Rated, nagtulong bilang gatekeepers sa unang match

Nagpakitang-gilas agad ang kapitan ng koponan sa unang match matapos makita sina HusKerrs at Rated na pumipitas ng mga miyembro ng iba’t-ibang squad sa final circle.

Top 15 na lang ang natitira nang makapatay si Rated mula sa lower vantage point malapit sa Salt Mine, habang longshot elimination at mabilis na assist naman ang itinulong ni HusKerr.

Sa kabila ng ilan pang picks, nahirapan ang squad na tumawid sa ravine. Mula sa iba’t-ibang anggulo dumating ang iba pang squad ng lobby, at bagamat bigong manalo, nagawa namang mapakapal ni Aydan ang kanilang score salamat sa dalawa pang eliminations.

Nakatulong ang play na ito upang matapos nila ang match sa first place nang may 21 kills at 31.5 points.

Ang pag-clutch ni Aydan sa World Series of Warzone match

Mahigpit ang laban ng trio kontra Hector “Repullze” Torres sa leaderboard. Sa kabila ng kalamangan ng squad ni Ayden sa unang dalawang matches, nagawa ni Repullze na agawin ang trono sa pamamagitan ng isang puntos pagkatapos ng ikalimang laban.

Aydan Standing WSOW
Screenshot ni Joseph Asuncion/ONE Esports

Nakasalalay na sa huling laban ang panalo ng NY Subliner streamer at kanyang mga kakampi.

Para maselyo ang panalo, nag-play safe muna ang trio sa Downtown. Nakita si HusKerrs na nagbabantay sa rooftop habang nagtatago naman ang dalawa pa sa mga alleys. Maya-maya pa ay naka-eliminate si Aydan ng dalawang operator na lumalabas sa isang building.

Matapos ang laban, lumabas na crucial ang naging elimination ni Aydan sa kanilang pagkapanalo. Nakuha nila ang first place nang may top 15 placement bukod pa sa 24 kills. Sa kabuuan, nagtala ang trio ng 121.5 points at 85 kills.

Nauwi nina Aydan, HusKerrs, at Rated ang kauna-unahang World Series of Warzone squad win pati na rin ang US$50,000 cash prize.

Nagtapos naman bilang runner-up ang squad ni Repullze na nag-uwi ng US$30,000 mula sa US$300,000 prize pool.

Squad Prizing WSOW
Screenshot ni Joseph Asuncion/ONE Esports

Magpapatuloy ang World Series of Warzon sa EU Trios simula ika-apat ng Agosto. Maaaring mag-sign up sa kanilang official website upang makalahok.