Pinalasap ng Smart Omega ang PDR Esports ng 3-0 donut sa upper bracket finals ng Call of Duty: Mobile Philippines Championship 2021 para masunggab ang unang tiket papuntang Garena Finals (qualifier) ng CODM World Championship 2021 noong Biyernes ng gabi.
Nasiguro rin ng dating NRX Jeremiah 29:11 ang unang spot sa best-of-five grand finals ng Philippines Championship sa Linggo kung saan pagtatalunan ang top prize na P330,000.
Mabilis na kumalas ang Omega sa Hardpoint mode sa Summit matapos magtayo ng 125-6 kalamangan sa pamamagitan ng kanilang double sentry gun setup na nakatanim sa magkabilang kanto ng P3.
Sinara nila kapitan JC “Jayzee” Rivera at ng kanyang crew ang unang mapa sa iskor na 150-34.
Mas maganda ang pinakita ng PDR sa Search and Destroy sa Raid at nakaungos pa nga sila ng 4-3 sa pangunguna ng kanilang matinik na sniper na si Jerico “YungJ” Vibora.
Ngunit pinaalala ng Omega na hindi lamang sila ang hari ng Garena kundi “comeback kings” din ng rehiyon sa pamamagitan ng pagselyo ng sumunod na tatlong round sa defender side.

Tila nag-choke ang PDR sa Domination sa Crossfire at sinayang ang kanilang 75-59 win sa first half. Naglapag sila ng XS1 Goliath sa second half ngunit naging indecisive sa pagkuha ng Charlie area.
Dito na sila pinarusahan ng Omega at huli na nang manakaw ng PDR ang point Bravo habang mahigpit na dinepensahan ni Kennedy “iDra” Mondoy ang Charlie gamit ang kanyang XS1 Goliath.

Kinilalang “Soldier of the Game” si iDra matapos magtala ng 17.0 kills, 6.67 assists, 9.33 deaths (1.82 K/D ratio) at 2421 average score sa naturang serye.

Smart Omega nagpasabog ng perpektong 15-0 run
Inunat ng Smart Omega ang kanilang perfect run hanggang sa 15-0 sa pagtatapos ng kanilang sweep kontra sa PDR.
Sa first round ng playoffs, pinadapa ng Omega ang kanilang mga kaibigan sa Fantasma, 3-0. Bumida si John Kenneth “KenDy” Pimentel sa seryeng ito matapos maglista ng 19.0 kills, 4.0 assist, 9.67 deaths (1.94 K/D ratio) at 2665.33 average score.
Flawless din ang naging kampanya ng Omega na kinabibilangan din nila Jerrold “Woopiiee” Regay, Benj “CRUSH” Trinidad, Eulo “6ix9ine” De Chavez (6th man) at Bruce “Dev1ce” Cruz (coach) sa Group D noong Miyerkules ng gabi.
Winalis ng boys in white and green ang Sigra x AIM, Tokyo Osaka at DVK Rexus ALT upang makatapak sa 4-team, double-elimination playoffs ng torneo.
Susubukan ng Smart Omega na makuha ang kampeonato sa Call of Duty:Mobile Philippines Championship 2021 sa Linggo kontra sa mananalo sa pagitan ng PDR at Ultimate E-Pro sa lower bracket finals ngayong Sabado.
Mapapanood ang lahat ng aksyon sa Philippines Championship sa Facebook at YouTube channel ng Garena Call of Duty: Mobile.