Credit: Jerrold “Woopiiee” Regay
Tagumpay ang unang misyon ng Smart Omega sa Call of Duty: Mobile (CODM) Philippines Championship 2021 matapos walisin ang kanilang mga kalaban sa group stage Miyerkules ng gabi.
Dala ang kanilang malalim na motivation mula sa yumao nilang coach na si Michael “Kyaaah” Belaya, pinakita ng dating NRX Jeremiah 29:11 na sila pa rin ang hari ng PH CODM sa pamamagitan ng pagtala ng 3-0 sweep kontra sa Sigra x AIM, Tokyo Osaka at DVK Rexus ALT sa Group D.
Nakuha ng Omega ang top seed sa kanilang grupo upang makaratsada sa 4-team, double-elimination playoffs ng torneo kung saan ang grand finalists ay makakapasok sa Garena Finals na may nakalaang tiket patungong CODM World Championship 2021 para sa kampeon nito.
Perpektong kampanya ng Smart Omega sa group stage
Matagal-tagal mang nawala sa competitive scene, pinatunayan ng Omega na hindi sila kinakalawang matapos balagbagin ang Sigra x AIM sa kanilang opening match.
Umiskor ang koponan ng 150-68 panalo sa Hardpoint mode sa unang mapa na Summit, 6-2 sa Search & Destroy sa Firing Range at 150-96 sa Domination sa Raid.
Tinanghal na “Soldier of the Game” si kapitan JC “Jayzee” Rivera matapos maglista ng averages na 13.33 kills, 13.5 deaths, 6.33 assists (1.48 K/D ratio) at 2370 score sa serye.
Nagpatuloy ang nagbabagang atake ng Smart Omega kontra sa Tokyo Osaka na pinatikim nila ng 132-0 na tambak sa Hardpoint sa Summit bago ito tapusin sa score na 150-14.
Kumana ang boys in black and green ng 6-3 win sa Search & Destroy sa Raid bago magtala 150-71 victory sa Domination sa Crossfire upang isara ang serye kung saan nanguna na naman si Jayzee.
Sa kanilang huling match laban sa DVK, naging highlight ang triple sentry gun setup ng Smart Omega sa Bravo area ng Crossfire sa Domination mode.
Tumikada si Kennedy “iDra” Mondoy ng 15.67 kills, 5.0 assists, 8.5 deaths (2.07 K/D ratio) at 2116 average score sa closing series kung saan naglista ang Omega ng 150-114 win sa Hardpoint (Summit), 6-4 sa Search & Destroy (Hackney Yard) at 150-78 sa Domination (Crossfire).
Kapana-panabik na Philippines Championship 2021 playoffs
Makakaharap ng Smart Omega sa upper bracket semifinals ang Fantasma (Group A), ang koponan ng sikat na Mobile Legends streamer at RSG player na si Elyson “GHOST WRECKER” Caranza.
Magtatapat naman ang PDR Esports (Group B) at Ultimate E-Pro (Group C) sa isa pang first round pairing ng double-elimination playoffs na magsisimula sa September 3, 8 p.m.

Bukod sa spot sa Garena Finals, makukuha ng kampeon ang top prize na P330,000 habang ang runner-up ay mag-uuwi ng P250,000.

Mapapanood ang playoffs sa Facebook at YouTube channel ng Garena Call of Duty: Mobile.