Winalis ng Natus Vincere ang G2 Esports sa grand final ng Intel Extreme Masters Cologne 2021 upang makamit ang ika-apat nilang kampeonato ngayong taon.

Nagpakitang-gilas ang NAVI sa unang Counter-Strike: Global Offensive LAN tournament simula nang mag-lockdown dahil sa banta ng COVID-19 matapos pangibabawan ang mga online tournament gaya ng BLAST Premier Global Final 2020, DreamHack Masters Spring 2021, at StarLadder CIS RMR 2021.

NAVI winalis ang G2 sa IEM Cologne 2021 grand final

Nagsimula ang kampanya ng parehong koponan sa group stage, bilang dalawa sa walong directly qualified teams mula sa Road to Cologne qualifier.

Nangibabaw din ang mga grand finalist sa kani-kanilang grupo upang maselyo ang semi-finals berth sa single-elimination playoff bracket. Matapos dispatsahin ng G2 ang Astralis at pauwin ng NAVI ang FaZe Clan, nagharap ang dalawa sa best-of-five grand final.

Limang sunod-sunod na rounds bilang Terrorists ang ipinangbati ng NAVI sa kanilang kalaban sa Dust II upang simulan ang serye. Bagamat nadikit ng G2 Esports and score pagdating ng halftime, 7-8, hindi na nila napigilan ang pagpapaulan ng bala ni Oleksandr “s1mple” Kostyliev, na nagtala ng game-high 30 kills upang iselyo ang unang panalo ng kanyang koponan sa score na 16-11.

Maaga rin nagpasiklab ang Born To Win sa Mirage nang buksan nila ang ikalawang mapa nang may apat na sunod-sunod na rounds bilang Counter-Terrorists. Tagumpay sana si Nikola “NiKo” Kovač sa pag pigil sa kanyang katapat matapos magtala ng game-high 31 kills, pero bigo pa rin ang kanyang koponan na mapwersa man lang ang overtime kontra NAVI.

Sa Nuke napagdesisyunan ng NAVI na hindi na nila kakailanganin pa ang Inferno at Ancient upang makuha ang kampeonato. Nagtala sina Denis “electronic” Sharipov, Ilya “Perfecto” Zalutskiy, at s1mple ng 21 kills bawat isa upang manaig kontra G2, 16-13, at walisin ang grand finals.

s1mple, MVP ng IEM Cologne 2021

s1mple ng NAVIm MVP ng IEM Cologne 2021
Credit: s1mple

Walang duda na sa ‘CS:GO GOAT’ napunta ang nasabing parangal.

Sa 362 rounds na nilaro ni s1mple sa turneo, nagawa nitong magtala ng 348 kills, kung saan ang 40.2% ay headshot, at 93.1 average damage per round. Pinangunahan din niya ang lahat ng mga manlalaro sa iba’t-ibang statistics gaya ng 1.51 overall rating, 0.91 kills per round at 0.54 deaths per round.

Samantala, pinasalamatan naman ng Ukrainian player ang kanyang koponan at mga tagasuporta sa isang tweet na inilathala ilang oras matapos ang kanilang tagumpay.

Ito ang ika-15 MVP award na natanggap ng 23-taong-gulang na superstar sa loob ng kanyang walong taong karera.


Dahil sa kanilang panalo, mag-uuwi ang NAVI ng US$400,000 na papremyo, ang pinakamalaking bahagi ng US$1,000,000 prize pool ng turneo, 1,800 ESL Pro Tour points at 3,200 BLAST Premier points.