Dumating na sa wakas ang Dota 2 patch 7.30, ang gameplay version na inaasahang gagamitin para sa paparating na The International 10, at natural na kaugnay nito ang pagbabago sa meta.
Ngunit dahil ilang buwan pa ang nalalagi bago opisyal na magsimula ang taunang Dota 2 world championship, sinilip muna namin ang ilang on-going online tournaments kung saan kalahok ang ilang TI-bound teams upang malaman kung sino-sinong hero nga ba ang bumibida sa nabubuong meta.
Keeper of the Light

11 beses lang na-pick si Keeper of the Light noong regional qualifiers para sa The International 10 pero isa na siya sa mga most contested hero ngayon sa ginaganap na ESL One Fall 2021. Sa loob ng tatlong araw ng turneo, 15 beses na itong napi-pick habang 23 beses naman nang naba-ban.
Malalaking buff sa basic abilities ang nakuha ni KotL sa Dota 2 patch 7.30. Na-rescale ang channel time ng Illuminate sa tatlong segundo at pina-iksi rin ang cooldown ng Chakra Magic nang dalawang segundo. Dahil dito, mas gumanda na ang pag-scale ng naturang hero sa laro na mahalaga ano man ang maging meta.
Bukod sa karaniwang role nito na support, naging viable na rin sa mid lane si KotL na pinatunayan ni Leon “Nine” Kirilin ng Tundra Esports. Pinarisan nila ito ng mga hero na may mga stun upang masulit ang mas achievable na max damage ng Illuminate. Tinapos ng midlaner ang laro nang may game-high 16 kills at 29.3k damage.
Omniknight

Etsa-puwera si Omniknight sa 291 matches na nilaro noong TI10 regional qualifiers pero isa na rin ito sa mga most contested hero hindi lang sa ESL One Fall 2021, kung hindi pati na rin sa on-going na ImbaTV i-League 2021 Season 2 kung saan tampok ang mga Chinese teams.
Dalawang magkasunod na patch nang nabibiyayaan ng buffs ang naturang support kaya’t hindi na nakapagtataka ang biglang pagtaas ng pick rate nito ngayon Dota 2 patch 7.30. Bukod sa mga stats niya, dinagdagan din kasi ang strength bonus na nakukuha mula sa Heavenly Grace at pinaiksi ang cooldown ng kanyang ultimate nang 20 segundo sa level three.
Dahil na-nerf na rin ang mga ranged carry hero na sikat noong nagdaang meta gaya nina Terrorblade, Luna, at Medusa, pinapares ngayon ng mga pro si Omniknight sa mga melee carry hero katulad nina Slark, Sven, at Lifestealer.
Night Stalker

Matagal-tagal nagtago sa dilim si Night Stalker pero muli na itong naghahasik ng lagim sa bagong meta. 11 beses na siyang na pick o ban sa ESL One Fall 2021 at gayun din sa ImbaTV i-League 2021 Season 2.
Sa unang tingin, wala masyadong buff kay Balanar sa Dota 2 patch 7.30; pinahaba pa nga ang cooldown ng Dark Ascension. Pero dahil sa mga pagbabago sa kanyang Talent Tree na ngayon ay may choices na para mapalakas ang kanyang ultimate, naging mas malakas na ang presensya nito sa mga team fight, sa kabila ng mahaba-habang cooldown, gaya kung paano sumikat si Dragon Knight noong nakaraang patch.
Katulad ni Keeper of the Light, naging viable na rin sa ibang role si Night Stalker bukod sa offlane. Ginamit ito ni Wang “Ame” Chunyu ng PSG.LGD bilang carry at binuuan niya ito ng Black King Bar, Nullifier, Silver Edge, at Swift Blink. May mga pagkakataon din na Arcane Blink ang binibili katulad ng ginawa ni Zhou “Yang” Haiyang para kontrahin ang kalabang Storm Spirit.
Earthshaker

Nakapagtataka na ang hero na hindi mawala-wala sa meta ay isang beses lang napili noong nagdaang TI10 regional qualifiers. Naungusan kasi ito noong nakaraang patch ng mga support hero na mas maganda ang scaling at mas madali i-execute ang long-cooldown ultimate gaya nina Phoenix at Winter Wyvern.
Sa paglapat ng mga nerf sa mga nasabing meta support hero, na-buff naman ang mga stat ni Earthshaker sa Dota 2 patch 7.30. Pinataas ang kanyang movement speed at intelligence, kasabay ng pagpapaganda sa Talent Tree nito.
Kaso nga lang, sa mga pagkakataon na lumabas ito sa ESL One Fall 2021 at ImbaTV i-League 2021 Season 2, bigo pa itong makapagtala ng positive win rate. Gayunpaman, malaking pagbabago pa rin ang naitatala sa kanyang pick rate sa mga professional tournament kumpara noong nakaraang patch.
Beastmaster

Kasabay sa pagkatanggal ng Necronomicon sa laro noong 7.29 ang pagkawala ni Beastmaster sa meta. Bagamat walong beses pa rin siya lumabas noong TI10 regional qualifiers, malaking pagbabago pa rin ito mula sa kanyang pamamayagpag noon.
Ang pagbabalik sa meta ni Beastmaster ay dahil Vladimir’s Offering imbis na Ultimate Orb na ang isa sa mga item component ng Helm of the Overlord. Dahil sa mga pinagsama-samang aura, presensya pa lang ay tiyak nang malaki na ang magiging ambag ni Beastmaster sa mapa.
Sa walong beses na nakalusot si Beastmaster sa ESL One Fall, matapos ma-ban nang 24 beses sa loob ng unang tatlong araw, nakakabuo ang mga naglalaro nito ng Helm of the Overlord bago pa sumapit sa 20 minuto ang game timer. Sinubukan naman itong i-balance ng Valve pagpatak ng 7.30b sa pagpapataas ng recipe cost ng naturang item.
Mababasa ang buong patch notes ng Dota 2 gameplay update 7.30 dito.