Hindi na muling makikipagkumpitensiya sa Dota 2 si Anathan “ana” Pham batay sa anunsyo ng OG, Martes ng madaling araw.

Ayon sa two-time The International champion na carry mula sa mensaheng inilathala ng kanyang koponan, matagal-tagal na niyang iniisip ang naturang desisyon ngunit handa na raw siyang buksan ang panibagong yugto ng kanyang buhay.

“The past few years have been an incredible journey and it is finally time for me to say that I’ll be stepping away from Dota… Dota has been the biggest part of my life for the longest time and I am starting to find and appreciate other things in life that I want to learn about and explore,” ika niya.

Ana nagretiro na sa professional Dota 2
Credit: OG

Bumalik ang Australian superstar sa OG, bilang humblegod, bago magsimula ang ikalawang season ng 2021 Dota Pro Circuit mula sa mahabang pahinga sa professional Dota 2 scene.

Sa kabila nito, nabigong makaipon ng sapat na Dota Pro Circuit points ang koponan upang ma-directly qualify sa The International, kung saan sila ang defending champions.

Sa pag-alis ng 21-taong-gulang na manlalaro sa kanyang koponan, kakailanganin ng OG na maghanap ng bagong player para makapaglaro sa The International 10 European Qualifiers.

Samantala, pinasalamatan naman ng organisasyon si ana sa mga naging kontribusyon nito.

“Thank you for all these years of service, the plays made, the fountains you dove, the trophies lifted, the laughs, and all the memories… OG and the fans will always cherish these memories and achievements we’ve had together,” sulat ng koponan.

Ang pamana ni ana sa kasaysayan ng Dota 2

Malaki ang naging parte ni ana sa kasaysayang ginawa ng OG bilang ang kauna-unahang koponan na nag-angat ng Aegis of Champions nang dalawang sunod na beses.

Ilan sa mga ‘di malilimutang plays niya noong kampanya nila sa The International 2018 ay nagpatunay na isa siya sa mga manlalarong may pinakamataas na mechanical skill ceiling. 

Kabilang dito ang pagbenta niya sa Talisman of Evasion at Ring of Aquila bilang Phantom Lancer noong ika-apat na laro ng grand finals kontra LGD Gaming upang makaipon ng sapat na pera pang-buyback.

Halimbawa rin ang pag-dodge niya sa mga skills ng kalaban bilang Ember Spirit, noong huling laro ng serye, upang magbigyan ng kalamangan sa clash ang kanyang koponan.

Noong huling The International naman, kinontra ni ana ang dikta ng meta nang laruin ang Io bilang carry. Tinapos niya ang naturang palaro nang hindi natatalo sa nasabing hero matapos itong gamitin nang anim na beses, kabilang ang ika-apat na laro ng grand finals kung saan naselyo ng OG ang ikalawa nilang world championship title.

Bukod dito, naging parte rin si ana sa kampeonato ng OG sa Boston Major 2016 at Kiev Major 2017. Tinulungan niya ring magtapos ang kanyang koponan sa ikalawang puwesto sa Dota 2 Asia Championships 2017, Dota Pit League Season 5, at The Summit 6.

Inanunsyo ni ana ang kanyang pagreretiro matapos magsilbing professional Dota 2 player nang humigit-kumulang walong taon.