Noong nagdaang Southeast Asia qualifier para sa The International 10, nakapagpadala ang Pilipinas ng anim na all-Filipino team—Cignal Ultra, ex-South Built Esports, Omega Esports, Execration, OB Esports x Neon, at TNC Predator.

Kalahati mula sa mga nabanggit ang nalaglag mula sa lower bracket noong ikalawang araw pa lamang ng qualifier. Ang koponang pinangungunahan lang ni Marvin “Boomy” Rushton ang naka-abot sa grand final, kung saan sila ni-reverse sweep ng Malaysia-based team na Fnatic.

Kahit limang Filipino players—Abed “Abed” Yusop ng Evil Geniuses, Raven “Raven” Fausto at Djardel “Dj” Mampusti ng Fnatic, pati na rin sina Karl “Karl” Baldovino at Carlo “Kuku” Palad ng T1—pa rin ang makadadalo sa taunang world championship, maituturing na repleksyon sa katayuan ng lokal na Dota 2 scene ang naging resulta ng nasabing qualifier.

Ang kasalukuyang estado ng PH Dota 2 scene

Sa isang panayam ng ONE Esports, nabanggit ng head coach ng Cignal Ultra na si Jae Paulo at team captain Erice “Erice” Guerra ang kanilang pananaw ukol sa katayuan ng Dota 2 scene sa bansa.

Bagamat hindi raw maipagkakaila ang galing ng mga Pinoy players sa larangan, maraming dahilan kung bakit hindi pa rin nangingibabaw ang mga koponan mula sa bansa sa The International at bakit mahirap na para sa mga baguhang manlalaro na makapasok sa professional Dota 2 scene. 

“Sa Pilipinas, actually feeling ko ahead na tayo sa SEA, sa region natin. [Pero] ‘yung disiplina kasi pati ‘yung structure ng mga teams, for example, yung sa ibang bansa kasi, talagang kumpleto sila from coach, assistant coach, analyst, yung mga tipong ganon, siguro satin kulang pa,” ika ni Coach Jae.

Credit: Southbuilt Esports

Ang mas nahihirapan sa ganitong sitwasyon ay ang mga maliliit na organisasyon. Halimbawa na lang ang ex-Southbuilt Esports roster na napilitang bitawan ng kanilang organisasyon pagkatapos ng ikalawang season ng Dota Pro Circuit 2021. 

“Actually kasi ang problema natin ‘yung orgs na maliliit na hindi kaya mag-sustain. Marami namang magagaling sa ibang team e, ang problem lang kasi, ‘pag walang napapala within one, two, three months, parang dini-disband na agad, pero malalaki rin ‘yung mga potential ng mga ‘yon,” batid niya.

Nakasalalay sa mga game developers at tournament organizers ang sustainability ng mga esports teams. Sa kaso ng Dota 2 na umaasa lang halos sa Dota Pro Circuit, minsanang Major tournaments, at top-heavy na The International, hindi madali, lalo na sa mga maliliit na organisasyon ang kumupkop ng roster.

Ang kasalukuyang estado ng PH Dota 2 scene: Tims sa The International
Credit: Valve

“… Medyo mahirap talaga sa esports diba kunyari hindi siya sustainable as in normal na trabaho, yung mga tipong ganun, kaya yung iba wala talagang chance na makapag-excel, lalo na yung small orgs,” sabi niya.

Bagamat mas maraming koponan na ang nakasasali sa DPC, salamat sa pagtatag ng Lower Division nitong taon, hindi pa rin ganun kadali, lalo na mga baguhang manlalaro, ang makapasok sa professional Dota 2 scene.

“Okay siya kaya lang, panget lang sa ganun mas mahihirapan ‘yung mga bagong players na makapasok sa Dota 2 scene. Like for example, MMR ranker ka pa lang ngayon, kung hindi ka kukunin ng top team mo at wala ka ring makikitang team, imposibleng mag-open qualifier… pabor siya sa mga established na teams, pero sa mga new players parang sobrang negative niya for now, kailangan mo pang ma-discover,” paliwanag ni Coach Jae.

Paano mapabubuti ang PH Dota 2 scene

Ginawa ang Cignal Ultra para makipagpaligsahan sa The Nationals, isang franchise-based local Dota 2 tournament. Sa dalawang season na nagdaan, ang naturang koponan ang nag-uwi ng kampeonato.

Cignal Ultra
Credit: Cignal Ultra

Ngunit bukod sa nasabing turneo, halos wala nang ibang local tournament pa ang ginagawa para sa mga koponan sa bansa. Dahil dito, nawawalan ng pagkakataon ang mga maliliit na organisasyon na mahasa ang kanilang husay kontra mas malalakas na kalaban.

Kung madadagdagan ang mga palaro na magsusulong para palakasin at ihanda ang mga aspiring professional teams sa mas malalaking palakasan, tiyak na mas mapabubuti nito ang lagay ng Dota 2 scene sa bansa.

Para naman sa mga nasa eksena na, mainam din, ayon kay Coach Jae, kung babaguhin ang pamamaraan kung paano nakakapasok ang mga koponan sa Dota Pro Circuit. Imbis na magkaroon ng mga directly invited teams sa parehong division, mas masisigurado raw ang integridad ng kompetisyon kung paghihirapan sa qualifiers ang slot ng bawat kalahok.

Credit: Valve

“Siguro every season, start ng qualifiers ‘yung upper and lower division, syempre ‘pag nakakuha na ng teams doon, tsaka nila ituloy ‘yung malalaglag ‘yung dalawa, aangat ‘yung dalawa, ‘yung ganung format,” suhestiyon niya.

Nagpaalala rin si Erice sa mga manlalaro na malayo ang mararating ng disiplina lalo na kung ang minimithi nila ay ang magtagumpay sa Dota 2 scene.

“May mga players pa rin kasi na parang hindi pa masyadong seryoso sa laro na minsan naghaharot. Sa totoo lang, kaya talagang higitan ng mga Pinoy players sa Dota yung mga top teams sa ibang bansa, kinukulang lang talaga sa disiplina,” batid niya.


Kulang-kulang tatlong buwan pa ang hihintayin ng mga fans bago ganapin ang The International 10 sa Bucharest, Romania. Dahil sa paraan ng pagkakalahad ng mga pangyayari, malabong may nakahandang plano ang Valve para punan ang oras na ito.

Kaya kung walang third-party organizers na gagawa ng mga tournament, walang puwedeng gawin ang mga koponang bigo makapasok sa taunang Dota 2 world championship, kagaya ng Cignal Ultra, kung hindi maghintay.