Inamin ni Erin Jasper “Yopaj” Ferrer, ang midlaner ng BOOM Esports, na napagalitan sila ng kanilang coach na si Chai Yee “Mushi” Fung dahil sa kanilang playstyle noong unang dalawang araw ng ESL One Stockholm Major 2022.

Bago pumasok sa ikatlong araw ng group stage ang turneo, 4-4 ang win-loss record ng koponan. Bagamat hindi naman ganoon kalala, hindi pa rin ito katulad noong pangingibabaw nila sa Gamers Galaxy Dubai.

Yopaj: ‘Pinagalitan kami ni Mushi dahil sa playstyle namin’

Matapos mabigo sa unang mapa kontra pambato ng South America na beastcoast, ibinahagi ni Yopaj kung paano sila pinaalalahanan ni Mushi tungkol sa kanilang playstyle.

“Actually in the first game, we’re not playing our own playstyle… so yeah, we got scolded by Mushi,” pagbabahagi ng Pinoy midlaner.

(Sa totoo lang noong first game hindi namin nilaro ang paraan namin ng paglalaro… kaya ayun, pinagalitan kami ni Mushi.)

Sa mas mabagal na pacing naglaro ang BOOM Esports noong unang mapa. Gumamit ng Dragon Knight si Yopaj, pero hindi ito masyadong nakapagbigay ng impact kontra beastcoast.

Ani Mushi, maaari raw sanang laruin nang mas agresibo ang kanyang Dragon Knight.

Yopaj bumawi gamit ang Void Spirit

Matapos mapaalalahanan ni Mushi, mas malikot at agresibong hero ang ginamit ng BOOM Esports para sa middle lane, si Void Spirit.

Mas madaling nakapagpakitang-gilas ang 20-taong-gulang na manlalaro gamit ang hero. Hindi nakahinga ang kalaban nilang taga South America buong laro, dahilan para makapagtala si Yopaj ng 19/2/17 KDA.

BOOM Esports, pasok sa lower bracket ng playoffs

Yopaj sa pagbawi ng BOOM Esports sa Stockholm Major: 'Pinagalitan kami ni Mushi'
Credit: BOOM Esports

Matapos ang apat na araw ng group stage, nakapasok sa lower bracket ng ESL One Stockholm Major 2022 playoffs ang BOOM Esports matapos magtala ng 5-7 win-loss record.

Matapos ang ika-apat na sunod nilang draw, ibinahagi ng hard support player ng koponan na si Rolen Andrei Gabriel “skem” Ong na may “personal problems in-game” sila.

Nakarating si skem sa Stockhom, Sweden tatlong oras bago magsimula ang unang laro ng BOOM Esports sa group stage ng Major kaya’t hindi sila nakapag-scrim.

“We don’t scrim,” ani skem. “It’s like one day or two days, we don’t have scrim, then we just played yesterday.”

(Hindi kami nakapag-scrim. Parang isa o dalawang araw kaming hindi nakapag-scrim, tapos naglaro na lang kami kahapon.)

Ipagpapatuloy ng pambato ng Southeast Asia ang kanilang kampanya sa ESL One Stockholm Major 2022 sa ika-18 ng Mayo.

Masusubaybayan ang mga tagpo sa nasabing Major sa opisyal na Twitch channel ng ESL One.

Matatagpuan ang kumpletong resulta ng group stage dito.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.

BASAHIN: Team Spirit star Yatoro, may masasabi tungkol sa BOOM Esports