Ipinagpaliban ng Dota 2 developer na Valve ang pagdaos ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Eastern Europe Spring sa kasagsagan ng pag-atake ng Russia laban sa Ukraine.

Inanunsyo ng tournament organizer na EPICENTER kamakailan ang suspensyon ng DPC EEU Spring Tour sa pamamagitan ng social media.

Bago ito, nakatakda sanang isagawa ang DPC EEU Spring Tour sa kalagitnaan ng Marso simula sa open at closed qualifiers nito.


Nagbigay ng update ang EPICENTER kaugnay ng DPC EEU Spring Tour

Credit: EPICENTER

Kinumpirma ng EPICENTER na sinabihan sila ng Valve na “indefinitely postponed” ang kompetisyon sa Eastern Europe.

“We will be back soon with details on the new start dates for open qualifications and the main part of the regional tournament,” dagdag pa nito.

Sa kasaysayan ng esports, nagtatampok ang Eastern Europe organizations ng mga magkahalong Ukrainian at Russian pro players. Sa paparating na Spring Tour Division 1, mahigit sa kalahati ng 40 players ang Russians habang 10 naman sa kanila ay Ukrainians, ayon sa Liquipedia.

“There are many Ukrainian players, teams, production, talent, and fans whose lives are currently endangered,” paglalahad ni Austin “Cap” Walsh, na nagsilbing caster sa unang Tour ng DPC EEU. “Hope to see it return soon with all the people I consider friends and colleagues, safe and secure in their rightful homes.”

Marami ang kumondena sa military invasion ng Russia sa Ukraine na nagsimula noong ika-24 ng Pebrero, at ilan na rito ang CIS esports organizations na Natus Vincere at Team Spirit.

Ang Ukraine-based tournament organizer WePlay Esports naman ay pinutol ang partnership agreements nito sa mga kompanya mula sa Russia at Belarus, at hindi mag-oorganisa ng Russian broadcast para sa Gamers Galaxy Dota 2 Invitational Series Dubai 2022.


Base ito sa artikulo ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.