Matagumpay ang pagpapatuloy ng kampanya ng Evil Geniuses sa Dota Pro Circuit (DPC) Tour 1 North America Division 1 matapos walisin ang 4Zoomers sa kanilang serye.

Tila hindi na kinailangan ng EG na mangapa pa sa kabila ng biglaang pagkuha nito kay Arif “MSS” Anwar bilang stand-in offlaner para kay Russian pro Egor “Nightfall” Grigorenko.

Malaking panalo ito para sa North American powerhouse na naghahabol ngayon sa top two spots sa Division 1 na kaakibat ang mga tiket papunta sa unang Dota 2 Major ng taon.


Evil Geniuses kinuha si MSS bilang stand-in

EG wagi sa unang laban kasama si MSS
Credit: EPICENTER

Isang oras na lang bago ang nakatakdang laban nito kontra 4Zoomers, naglabas ng pahayag ang Evil Geniuses na kinuha nito si MSS para magsilbing stand-in hanggang sa pagtatapos ng Winter Tour.

Napwersang magdesiyon ang EG na kumuha ng pansamantalang pamalit kay Nightfall dahil umano sa mga problema sa travel at logistics. Sakto namang free agent ang dating position-4 support ng Quincy Crew na si MSS matapos ang kanilang 9th-12th place finish sa The International 10.

Credit: Evil Geniuses

Nilinaw ng sikat na North American organization na babalik sa lineup ang former Virtus.pro carry na si Nightfall sa pagtatapos ng DPC NA Tour 1.


EG wagi sa unang laban kasama si MSS sa DPC NA Tour 1

Maganda ang naging panimula ng Evil Geniuses dahil sa mga early pickoffs na nakuha ni Filipino star midlaner Abed “Abed” Yusop sa kanyang Kunkka, ngunit agad na nakabawi ang 4Zoomers matapos manalo sa mga mini-skirmishes salamat sa sustain mula kila David “Moo” Hull (Io) at Jacob “Husky” Fifik (Treant Protector).

Muling nakaalagwa ang EG sa 24-minute mark nang makakuha ng triple kill si Artour “Arteezy” Babaev sa kanyang Terrorblade para pangunahan ang five-man team wipe kontra 4Zoomers sa isang mahabang clash sa Radiant triangle.

Mula dito ay nagtuloy-tuloy na ang paggulong ng EG patungo sa dominanteng 36-14 panalo sa loob ng 35 minuto.

Pagdating ng Game 2, pinakita ni MSS kung bakit siya ang kinuha ng Evil Geniuses para magsilbing stand-in offlaner nila.

Gamit ang Death Prophet, tinunaw ni MSS ang mga miyembro ng 4Zoomers sa pamamagitan ng Exorcism sa isang malaking team fight sa Radiant triangle sa 30th minute kaya nakapagtala ang EG ng four-for-none exchange at sunod na sinelyo ang ikalawang Roshan.

Bagamat napatagal pa ng 4Zoomers ang laban, hindi nila napigilan si MSS at ang EG na isara ang serye pagdating ng 50th minute na may 44-18 kill score.

Umangat ang Evil Geniuses sa ikatlong pwesto sa DPC NA Division 1 na may 3-2 win-loss record at pinanatiling buhay ang tsansa nito na makuha ang isa sa dalawang slot ng rehiyon sa Major.

Nasolo naman ng Quincy Crew ang No. 1 spot matapos patumbahin ang Team Undying, 2-1, sa kanilang mainit na banggaan. Nanatiling undefeated ang Quincy Crew (5-0) habang nalasap naman ng Undying (4-1) ang unang talo nito.

Maaari niyong sundan ang mga kaganapan sa DPC NA Tour 1 maging sa iba pang rehiyon sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.