Sa lower bracket ng The International 10 China qualifier ang bagsak ng Elephant matapos silang talunin ng EHOME, 2-1, sa best-of-three series ng upper bracket finals.

EHOME vs Elephant TI10 China Qualifier
Credit: BTS Dota

Paboritong manalo ang koponang pinalalakas ni Lu “Somnus丶M” Yao dahil sa bigat ng mga pangalang bumubuo sa kanilang roster, pero nagsilbing paalala ang kanilang pagkakatalo na kahit ang mga ‘super team’ ay may kahinaan din.

Sylar, Xm bumida para sa EHOME

Nagsalitan ang carry at mid laner ng EHOME na sina Liu “Sylar” Jiajun at Guo “Xm” Hongcheng sa pagpapakitang-gilas kontra Elephant. 

Sylar at Xm ng EHOME
Credit: DreamHack/EHOME

Ang Luna ni Sylar ang nangibabaw sa unang mapa ng serye. Bagamat naunang tumaba ang Medusa ng kalaban dahil sa magandang laning phase, madali naman itong nabawi ng EHOME.

Dalawang sunod na team fight kasi napitas si Zhang “Eurus” Chengjun, kung saan higit isang libong gold ang kanyang naipamigay sa parehong pagkakataon.

Nagawa mang mabasag ng Elephant ang mid melee barracks ng Radiant, hindi ito sapat upang tuluyang mabaliktad ang tambak nila sa networth na umabot sa higit 24k. Tinapos ng koponan ni Sylar ang unang mapa na tumagal ng halos 54 minuto sa kabila ng game-high kill participation niya na 91%. Siya rin ang nagtala ng game-high 12 kills at 65.2k hero damage.

Nakabawi man ang Elephant sa likod ng imortal na Terrorblade Eurus upang maitabla ang serye, parehong kwento ang inilahad ng EHOME sa ikatlong mapa ng laban.

Mas mataas na pagkakatambak sa networth ang inahon ng tanyag na koponan. Nahirapan kasi sila sa laning stage dahil sa dalas ng rotations ng kanilang mga kalaban at taglay na kakayahan ng kanilang draft na pumitas ng mga hero. Nawala nga lang ang lahat ng ito para sa Elephant matapos ang isang team wipe bandang 43-minuto ng laro, kung saan naka-Triple Kill ang Lina ni Xm bago mapatay.

10 minuto pa halos ang itinagal ng laban bago tuluyang mapwersa ang ‘gg’ sa kanilang mga kalaban. Nagtala ang nasabing mid laner ng game-high 15 kills kontra tatlong deaths. Siya rin ang nag-ambag ng pinakamataas na hero damage, na umabot sa 39.1k, at building damage na 11.6k.


Dahil sa kanilang panalo, aabante ang EHOME sa grand finals ng TI10 China qualifier kung saan kakalabanin nila ang mananalo sa lower bracket finals sa pagitan ng Elephant at Team MagMa.

EHOME waiting na sa finals ng The International 10 China qualifier
Credit: Wykrhm Reddy

Ang mananalo sa nasabing qualifier ang magiging ikalimang pambato ng nasabing rehiyon para sa taunang Dota 2 championship na gaganapin sa Bucharest, Romania sa Oktubre.

Mapapanood ang huling araw ng TI10 China qualifier sa official Twitch channel ng BeyondTheSummit.