Nagsimula na ang qualifier ng China para sa The International 10 at marami ang naniniwala na sa Elephant mapupunta ang natitirang slot ng bansa para sa nasabing Dota 2 championship.
Bagamat hindi naaayon ang resulta ng kanilang kampanya sa nagdaang dalawang season ng Dota Pro Circuit sa bigat ng mga pangalan ng kanilang mga manlalaro, hindi pa rin dapat ipagsawalang-bahala ang kakayahan ng ‘super team’ na ‘to.
Elephant na ba ang ika-limang pambato ng China sa TI10?
Apat na koponan—PSG.LGD, Invictus Gaming, Vici Gaming, at Aster—na ang ipapadala ng China para sa paparating na TI10. Ang nasabing rehiyon ang may pinakamaraming kinatawan, at madadagdagan pa ito ng isa mula sa regional qualifier.
Siksik ng mga koponan mula sa Upper at Lower Divisions ng Dota Pro Circuit ang nasabing qualifier, pero kung listahan lang ng mga achievements ang magiging basihan, mahirap na pagdudahan pa ang Elephant bilang kampeon ng TI10 CN Qualifier.
Zhang “Eurus” Chengjun

Ang carry ng EHOME na si Liu “Sylar” Jiajun dapat lalaro para sa Elephant, ngunit pinalitan siya ni Eurus bilang stand-in na kalauna’y main player noong una silang matatag noong Oktubre ng nakaraang taon
Si Eurus ngayon ang nangunguna sa MMR leaderboard ng China. Nagtala rin siya ng average 386.81 last hits noong ikalawang season ng DPC na ikatlo sa pinakamataas sa kanyang rehiyon. Ika-apat din siya sa may pinakamataas na average gold-per-minute na umabot sa 628.
Unang nakilala ang manlalaro bilang Paparazi灬 na naglaro sa Vici Gaming kasama ang offlaner nila ngayon na si Zhou “Yang” Haiyang.
Lu “Somnus丶M” Yao

Kilala bilang isa sa pinakamagaling na midlaners sa China at sa buong mundo, susubukan ni Somnus丶M na iselyo ang ika-anim niyang partisipasyon sa TI10 mula sa ginaganap na regional qualifier.
Kahit dalawang beses nagtapos ang Elephant sa ika-limang puwesto noong nagdaang DPC season, nakapagtala pa rin si Somnus丶M noong ikalawang season ng 7.63 average kills per game, ang pinakamataas sa buong division.
Kilala rin bilang Maybe, galing PSG.LGD ang manlalaro kung saan natulungan niya ang nasabing koponan na magtapos sa ikatlong puwesto noong huling TI, at ikalawang puwesto naman noong TI8.
Zhou “Yang” Haiyang

Isa si Yang sa mga founding players ng Elephant. Ikalima sa MMR leaderboard ng China, napatunayan ni Yang, sa kabuuan ng dalawang DPC season, na mapagkakatiwalaan siya sa kanyang posisyon na offlane.
May 100% win rate ang kanyang Doom at Legion Commander noong huling season, habang 60% naman ang success rate ng kanyang Mars sa loob ng limang laro.
Kabilang si Yang sa roster ng Vici Gaming na hinirang na kampeon sa ONE Esports Dota 2 World Pro Invitational Singapore noong 2019.
Xu “Fy” Linsen

Si Fy ang position four support ng Elephant na bumida sa limang edisyon ng TI sa loob ng siyam na taon niya bilang professional Dota 2 player.
Sa totoo lang, hindi na dapat pang ipakilala ang manlalarong ito. Sa lahat ng naging saksi, walang makalilimot sa mga plays niya mapa-Rubick, Earth Spirit, at syempre, Earthshaker. Noong DPC season, nagawa rin niyang bumida bilang Lion at Snapfire.
Katulad ni Maybe, sa ilalim ng PSG.LGD lumaban si Fy noong huling dalawang TI.
Xie “Super” Junhao

Nitong ika-28 lang ng Mayo sumali si Super sa Elephant, pero tila hindi nahirapan mag-adjust ang manlalaro at buong koponan sa kanyang pagpasok.
Gaya ng mga kakampi niya, mahaba-haba na rin ang listahan ng mga achievements ni Super. Pinangunahan niya ang roster ng Vici Gaming na nagtapos sa ikalawang puwesto noong TI4, pati na rin noong nagtapos ang parehong koponan sa TI5 sa ika-apat na puwesto.
Bagamat noong 2017 pa, sa ilalim ng LGD.Forever Young, ang huling beses na nakasabak sa TI ang manlalaro, hindi pa rin maipagkakaila ang kakayahan niya bilang support at captain.
Samantala, nakatakda namang harapin ng Elephant ang Royal Never Give Up sa ikalawang round ng upper bracket ng TI10 CN Qualifier. Masusubaybayan ang bakbakan sa official Twitch channel ng BeyondTheSummit.