Isa ang Evil Geniuses, na pinangungunahan ng team captain nilang si Tal “Fly” Aizik, sa mga koponang inaabangan sa paparating na The International 10.

Wala nang mas lalaki pang Dota 2 tournament kesa sa nasabing world championship lalo na’t ang pinaka-aasam na Aegis of Champions ang nakataya sa nasabing turneo.

Eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports si Fly ng Evil Geniuses bago ganapin ang TI10 tungkol sa koponang inaabangan niyang makalaro sa prestihiyosong palaro.

Ang mga teams na gustong makaharap ni Fly ng Evil Geniuses sa TI10

Evil Geniuses: iceiceice, Cr1t-, Fly, Arteezy, ABED
Credit: ONE Esports

Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Fly nang isiwalat niya ang mga koponang nais niyang makaharap sa engrandeng entablado ng TI10.

Una niyang minarkahan ang Chinese powerhouse na PSG.LGD. Nais ni Fly na makabawi sa pangwawalis na kanilang inabot noong grand final ng WePlay AniMajor, ang huling Major tournament ng Dota Pro Circuit 2021.

“I would love to have a rematch with PSG.LGD, since last time they 3-0’d us,” sagot ni Fly. “I think they’re one of the toughest teams.”

Nabanggit din ni Fly na maganda ang track record ng Team Secret at Elephant pagdating sa TI. Nasubok na ng panahon ang mga koponang ito kaya’t malamang ay malayo ang kanilang mararating sa naturang turneo.

Bagamat inamin niya rin na hindi masyadong umingay ang OG sa kabuuan ng DPC ngayong taon, giit ni Fly na dapat pa rin silang respetuhin bilang contenders.

Credit: OG

“They are the reigning defending champions, so I think they’re a team to look out for,” paliwanag ni Fly.

Matatandaang sina Fly at Johan “N0tail” Sundstein ang bumuo sa (monkey) Business na kalauna’y naging OG. Naghiwalay sila ng landas bago magsimula ang TI8. Pinunan nina Topias “Topson” Taavitsainen at Sébastien “Ceb” Debs ang mga role na nabakante upang mabuo ang roster na na-immortalize bilang ang kauna-unahang two-time Aegis of Champions bearers.

Malaki ang pasasalamat ni Fly kay Coach BuLba ngayong DPC season

Tiyak na aabangan ang lahat ng pagkakataong magkakatapat ang OG at Evil Geniuses sa kahit anong Dota 2 tournament. Kinakatakutan pa rin ang parehong koponan at marami rin ang sumusuporta sa kanila.

Napatunayan ng Evil Geniuses na isa pa rin sila sa mga paboritong manalo sa TI ngayong taon. Nagtapos sila sa ikalawang pwesto sa parehong Major tournament ng taon, ang ONE Esports Singapore Major at WePlay AniMajor.

Matuturing na superstar ang bawat manlalaro ng koponan sa bawat posisyon. At sa tulong ng kanilang coach na si Kanishka “BuLba” Sosale, isa sa mga tanyag na coach sa larangan, hindi magiging biro makipagbakbakan kontra Evil Geniuses.

“We put in a lot of work this year as a team,” sabi ni Fly. Malaki ang naging pasasalamat niya kay BuLba na parating naninigurado na nasa mabuting kalagayan ang Evil Geniuses para makipagkumpetensiya sa kabuuan ng DPC.


Sa ngayon, inaabangan pa kung sino-sinong koponan ang maglalaban-laban sa TI10.

Gaganapin ang naturang turneo sa Bucharest, Romania simula sa ikapito hanggang sa ika-17 ng Oktubre. 18 sa pinakamalalakas na Dota 2 teams sa buong mundo ang magsasagupan sa para sa Aegis of Champions at pinakamalaking bahagi ng US$40 million na prize pool—ang pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng esports.


Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na article sa matatagpuan dito.