Fnatic ang kumuha ng nag-iisang tiket ng Southeast Asia papunta sa The International 10 matapos nilang i-reverse sweep ang TNC Predator, 3-2, sa grand final ng regional qualifier.

Fnatic, nangibabaw sa TI10 SEA Qualifier

Fnatic, qualified sa The International 10
Credit: Wykrhm Reddy

Katulad ng inaasahan, naging mainit ang mga bakbakan sa TI10 SEA Qualifier. Tampok ang mga dikit na laban at higit isang oras na mga laro—patunay sa tumataas na kalibre ng mga koponan sa nasabing rehiyon.

Hindi nabago ang tema sa huling serye ng aksyon. Kinailangan ang lahat ng limang laro upang tuluyang mapatunayan ng Fnatic na sila ang nararapat na mag-qualify sa taunang Dota 2 championship.

Dala na rin ng momentum mula sa kanilang panalo kontra BOOM Esports sa lower bracket final, mabilis na 2-0 kalamangan sa serye ang sinalubong ng TNC Predator sa Malaysia-based squad. Hindi naging sapat kahit ang three-man War Stomp ng isang Centaur Conqueror upang mapigilan ang all-Filipino squad.

Nag-iba lang ang takbo ng laro paglapag ng mga sumunod na mapa. Sa dalawang sunod na laro, ipinaalala ng Terrorblade ni Marc Polo “Raven” Fausto na sila ang dahilan kung bakit nagmula sa lower bracket ang TNC.

Bumida ang Pinoy carry sa game three nang may 9/0/19 kill-death-assist scoreline, habang ang Ember Spirit naman ni Ng “ChYuan” Kee Chyuan ang nagpakitang-gilas noong game four matapos magtala ng 12 kills at 13 assists nang hindi namamatay.

Naki-indak na lang ang TNC Predator sa kumpas ng Fnatic sa do-or-die game. Simula laning stage, hindi na binatawan ng koponan ang kanilang kalamangan na lalo lang pinalaki ng kaliwa’t-kanang pitas sa mga hero ng kanilang kalaban.

Pasok parati ang mga counter-initiation Ravage ni Yang “Deth” Wu Heng, na siyang tumulong sa OB Esports x Neon noong ONE Esports Singapore Major 2021, upang i-angat ang kanyang koponan sa mga team fight. Hindi rin napiligan ang Axe ni Raven na nagpaulan ng 18 kills at 12 assists, na hindi namatay kahit isang beses noong huling tatlong laro.

Matapos ang 34 minuto, higit 31k na tambak sa networth, at 26-kill deficit, napilitan na ang TNC Predator na isuko sa Fnatic ang pagkakataong makalaro sa The International 10.


Makakasama ng Fnatic ang T1 bilang pambato ng SEA sa paparating na Dota 2 championship na nagtatampok ng higit US$40 million prize pool, ang pinakamalaking papremyo sa kasaysayan ng esports.

Nakatakdang ganapin ang palaro simula ika-5 ng Agosto hanggang ika-15.