Nakabalik sa top spot ng Dota Pro Circuit (DPC) Spring Tour Southeast Asia Division 1 ang Fnatic matapos nilang padapain ang T1 sa isang kapana-panabik na serye, salamat sa tulong ng neutral creep na Harpy Scout na nagsilbing sixth man nila sa laban.
Ginamit ng Fnatic ang tila imbalanced na ability ng Level 2 neutral creep na Harpy Scout sa deciding Game 3 para maipako ang 2-1 panalo laban sa T1 na nagpalakas muli ng kanilang tsansa na masunggaban ang top prize na $30,000 at 400 DPC points sa rehiyon.
Fnatic ginamit na ‘flying ward’ ang Harpy Scout para i-close out ang comeback victory sa Game 3

Nakaipon ng mahigit 8K net worth lead ang T1 sa likod ng malahalimaw na Medusa ni carry Kim “Gabbi” Villafuerte Santos at Necrophos ni midlaner Karl Matthew “Karl” Baldovino.
Ngunit naagaw ng Fnatic ang kalamangan nang pagbidahan ni offlaner Anucha “Jabz” Jirawong sa kanyang Mars ang isang mahabang clash sa 41-minute mark kung saan naka-free hit ang Drow Ranger ni Polo “Raven” Fausto at tuluyan nilang napatumba ang apat na miyembro ng T1.
Muling nangibabaw ang boys in black and orange sa sumunod na team fight dahil sa pag-isolate ni Jabz sa mga hero ng T1 gamit ang Arena of Blood.
Bagamat nakapagbaon na ng 16K net worth advantage ang Fnatic sa 47-minute mark, hindi pa rin nila basta-basta maisara ang laro dahil sa malakas na defensive capability ng kalabang Medusa.
Dito na pumasok ang Harpy Scout ni hard support Jaunuel “Jaunuel” Arcilla na ginamitan niya ng Helm of the Dominator. Ang Harpy Scout ay may skill na Take Off na binibigyan ito ng mabagal na flying movement na siya namang nagbibigay ng unobstructed vision kapalit ang movement speed at mana habang ito ay active. Pero ‘di alintana ang mana cost nito dahil sa mana regen na binibigay ng Dominator.
Pinalipad ni Jaunuel ang kanyang alagang Harpy sa tree line malapit sa tier 2 top tower ng T1 kung saan nakatambay si Gabbi habang naghihintay ng iki-clear na creep wave. Dahil sa vision mula sa kakamping neutral creep, kitang-kita ni Jabz ang posisyon ng Medusa at mabilis itong kinulong sa dalawang Arena at hindi na pinagalaw gamit ang double Spear of Mars na upgraded pa ng Aghanim’s Shard.
Nag-buyback si Gabbi subalit muli siyang nahuli ni Jabz gamit ang Spear at tinunaw siya ng masakit na right-clicks galing kay Raven bago tuluyang iselyo ng Fnatic ang 27-22 comeback win sa loob ng 49 minuto at 59 segundo.
Balik sa No. 1 ang Fnatic
Dahil sa tagumpay, nakabalik ang Fnatic sa No. 1 spot ng eight-team standings hawak ang kanilang 6-1 record sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa DPC SEA Tour 2 Division 1.
Kung mabibigo ang BOOM Esports kontra Team SMG, masisiguro na ng Fnatic ang top spot na may $30,000 at 400 DPC points. Kung magwagi naman ang BOOM, maaaring magkaroon pa ng tiebreaker para sa No. 1, na nireresolba pa sa ngayon.
Samantala, sigurado namang sasabak ang T1 sa tiebreaker para sa huling Major ticket laban sa Polaris Esports dahil pareho silang may 4-3 record. Pwede ito maging three-way tie kung sakaling manalo ang SMG laban sa BOOM.

Nauna nang nasungkit ng Fnatic at BOOM Esports ang unang dalawang slot ng SEA patungo sa Stockholm Major na gaganapin sa susunod na buwan nang may live audience.
Para sa Dota 2 news, guides at highlights, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.