Tinuldukan na ni Gabe “Gaben” Newell ang mga agam-agam kung kaya ba maglaro ng Dota 2 sa Steam Deck, ang bagong handheld console ng Valve na kayang magpatakbo ng mga PC game gamit ang Steam.

Sa isang panayam ng IGN, inamin ng presidente ng Valve Corporations na ang tanyag na multiplayer online battle arena agad ang kanyang nilaro tuwing ite-testing niya ang ‘small PC’.

“Well I do immediately played Dota with each new version that I get so I’ve probably been a little more laser-focused on the usability test,” sagot ni Gaben nang tanungin siya kung may partikular na feature ba siyang ni-request para sa Steam Deck. 

Steam Deck trackpad
Credit: Valve

Bukod sa grip buttons at thumbsticks na pangkaraniwan sa mga handheld game consoles, meron ding trackpad ang Steam Deck na mahalaga raw para kay Gaben bilang isang gamer.

Nauna na ring kumpirmahin ni Gaben sa isang email na walang problemang magpatakbo ng Dota 2 sa Steam Deck. Bagamat isang maiksing “Yep” lang ang sinagot niya noon, ‘di maipagkakailang mas malinaw na ngayon ang sagot lalo na’t siya pa mismo ang nakasubok.

Ang minimum specs requirement ng Dota 2 at ang specs ng Steam Deck

Steam Deck
Credit: Valve

Ayon sa store page ng Dota 2, ang isang unit ay dapat na may at least 2.8 GHz na AMD na processor, 4 GB RAM, at nVidia GeForce 8600/9600GT o ATI/AMD Radeon HD2600/3600 na graphics card.

Samantala, ang Steam Deck naman ay kargado na ng 2.4-3.6 GHz na AMD APU processor, na may integrated graphics, at 16 GB na RAM. Kaya’t kung specs lang ang pagbabasihan, ay wala ngang problema magpatakbo ng Dota 2 dito.

Tampok din sa console ang Bluetooth 5.0 na pwedeng ipares sa mga controller, gaya ng keyboard o mouse, headset, at iba pang accessories.

Ayon sa Valve, kaya rin daw maglaro dito ng ilang high-graphics na laro katulad ng Doom: Eternal at Jedi Fallen Order.

Steam Deck
Credit: Valve

Matatagpuan buong presyo, specs, release date, at iba pang detalye tungkol sa Steam Deck dito.