Pumanaw na ang batikang Filipino Dota player na si Heinrich “Heinrich” Abad, Linggo ng umaga, dahil sa leukemia sa edad na 29.
Na-diagnose sa sakit na Acute Monoblastic Leukemia (AML), isang uri ng kanser sa dugo at bone marrow, ang retiradong manlalaro noong ika-12 ng Mayo batay sa post ni Bev Sausal na kanyang partner.
Nakilala si Heinrich sa mundo ng Dota dahil sa kanyang kontribusyon sa Cebu-based team na Arcanys Gaming.
Kasama si Jun “Bok” Kanehara at Marvin “Boomy” Rushton, na naglalaro ngayon para sa TNC Predator, inuwi noon ng Arcanys ang kampeonato sa Mineski Pro Gaming League Season 6 Philippine Finals kontra Click ‘N Search, at iba pang mga pambato ng Luzon.

Bukod sa pagpapakilala sa Cebu bilang isa pang balwarte ng mga magagaling na manlalaro sa bansa, kinilala rin si Heinrich matapos maging ang unang Filipino player na nag-top one sa MMR leaderboard ng Southeast Asia.
Nagretiro si Heinrich mula sa professional Dota noong 2015 upang ituloy ang kanyang pag-aaral at paghandaan ang noo’y paparating niyang anak.