Isa sa mga dahilan kung bakit inaabangan ang The International ay dahil sa lawak ng hero picks at play style na maaaring gamitin ng mga pinakamagagaling na koponan sa buong mundo upang makuha ang pinaka-aasam na Aegis of Champion at pinakamalaking bahagi ng USD $40 million prize pool.

Ngunit sa kabila nito, tila nagkakasundo naman ang mga koponan pagdating sa hero na karapat-dapat i-ban: si Io. Sa lahat ng siyam na ulit ng taunang Dota 2 world championship, na-ban ang nasabing hero nang 538 beses, ang pinakamarami sa lahat ng hero. Pumapangalawa dito si Naga Siren na may 478 bans.

3 dahilan bakit si Io ang most banned hero sa The Internationa

1. Maraming gamit ang Relocate

Io Dota 2
Credit: Valve

Hinahayaan ng ultimate ni Io na Relocate na maka-teleport saan mang bahagi ng mapa matapos ang ilang segundong effect delay. Kung naka-Tether sa isang kampi, masasama rin nito ito.

Ang kakayahang makapagpakita saan mang bahagi ng mapa, kadalasan nang may kasama pa, ay nagbibigay ng malaking amount ng map influence. Nariyan parati ang pangamba tuwing nakikipaglaban kontra kay Wisp na makakapag-Relocate ito ng backup kaya’t mas mahirap pumitas.

Bukod sa pag-back-up, maaari rin itong gamitin bilang pangsagip sa mga kakampi. Ito ang ginawa ni Jerry “EGM” Lundkvist nang iligtas niya ang Chaos Knight ni Jonathan “Loda” Berg noong laban nila kontra LGD Gaming noong The International 2016.

2. Solid pang-buff ng kakampi ang skills ni Io

Ang epekto ng dalawa sa apat na skills ni Io ay para magbigay ng buff. Pinapataas ng Tether ang movement speed at healing na natatanggap ng kakamping nakakabit dito, habang dagdag attack speed, spell amplification, at HP regen naman ang epekto ng Overcharge.

Dahil dito, kaya halos gawing imortal ng hero ang mga kakamping naka-Tether sa kanya. Sa kasaysayan ng The International, makikitang ipinapares ang hero kina Gyrocopter, Chaos Knight, at Tiny.

Isa si Maroun “GH” Merhej ng Team Nigma sa mga manlalarong signature hero si Io. Nagtala siya ng 80% win rate sa naturang hero noong The International 2017 kaya’t isa ito sa most banned heroes kontra kanilang koponan noon na Team Liquid.

3. Pwede rin laruin bilang carry si Io

Simula noong madagdag sa Captain’s Mode ang naturang hero, tanging support role lang ang pinupunan nito pagdating sa professional Dota 2 scene.

Nagsimula lang magbago ang ihip ng hangin nang patunayan ni Anathan “ana” Pham ng OG noong The International 2019 na maaari rin ito gamitin bilang carry.

Credit: Valve

Dahil sa dagdag attack damage at Spirits damage ng mga talent choices ng hero, nabigyang kulay ang pagiging fast tempo carry nito. Hindi rin nito kailangan masyado ng item para magbigay ng malaking impact simula sa early game.

Napakita ni ana kung gaano kasakit ang carry Io nang gamitin niya ito kontra Virtus.pro noong group stage ng The International 2019. Agad nakipagbakbakan ang OG pagkatapak ni ana sa level 15 para ubusin ang kanilang kalaban nang walang namamatay sa kanilang koponan.

Sa paghaharap naman nila kontra Newbee noong playoffs, na-control ng OG ang high ground bandang 27 minuto ng laban para sugurin ang kanilang kalaban sa loob ng fountain.

Sa anim na beses na pinili ng OG ang Io noong huling Dota 2 world championship, anim na beses din silang nanalo.

Ang versatility ng hero, global map presence, at role flexibility ang mga pangunahing dahilan kung bakit si Io ang most banned hero sa Dota 2.

Ngayong patuloy ang pagbabago ng meta kasabay ng paglapag ng patch 7.30c, kaabang-abang kung ganito rin ang magiging sitwasyon sa The International 10 na gaganapin simula ikapito hanggang ika-17 ng Oktubre.


Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na article sa matatagpuan dito.