Nangibabaw si Lion bilang most-picked hero ng nagdaang regional qualifier para sa The International 10, kung saan kinumpleto ng Team Spirit, SG e-sports, Fnatic, Undying, Elephant, at OG ang 18 koponang sasabak sa taunang Dota 2 world championship.
Saksi rin ang mga sumubaybay sa pagbabago ng kasalukuyang meta. Halos umikot ang mga laro sa mga carry hero katulad nina Terrorblade, Arc Warden, Medusa, at Luna, pero sa 291 kabuuang matches na nilaro sa naturang qualifier, present sa karamihan ang nasabing support hero.
Anong meron kay Lion?

Isa si Lion sa mga hero na pumapasok agad sa isip ‘pag sinabing “support”. Mas madali i-execute ang kanyang skills, kumpara kina Earth Spirit o Chen, kaya naman siya ang most played na hero sa mga public matches, sunod kay Pudge.
Noong regional qualifiers, 125 beses lumabas ang hero sa mga laban, kung saan 48.80% ay nauwi sa panalo.
Bagamat walang healing capability katulad ni Io o Winter Wyvern, o hindi kasing mobile katulad ni Mirana, o mas malambot kumpara kina Elder Titan, Brewmaster, o Clockwerk, mas sumikat pa rin si Lion dahil mas flexible mag-execute ng draft gamit siya bilang support.
Swak ang skills niya sa meta
Binubuo ng mga hard disables at mataas na burst damage potential ang skillset ni Lion. Maaaring ituring na parang Ravage ni Tidehunter ang Earth Spike nito dahil sa kakayahan nitong mang-stun ng maraming kalaban gaya na lang ng two-man stun ni Martin “Saksa” Sazdov sa labang ito kontra Team Nigma.
Maaari rin mag-initiate ng gank mula sa Smoke of Deceit ang Hex, na pwede lang matanggal ng strong dispel. Noong regional qualifier, Blink Dagger, kung hindi Aether Lens, ang kadalasang core item sa hero dahil sa bisa ng nasabing skill.
Sakto din sa mga mahahabang laban na naganap noong qualifiers ang nangyaring pagbabago sa Finger of Death noong 7.20 update. Nadadagdagan na kasi ang nasabing ultimate ng 50 permanent damage sa mga napapatay nito, na lalong pinapabisa si Lion sa late game.
Pwedeng pangontra sa mga illusion at malilikot na hero

Solid din ang hero talent at Aghanim’s Shard update ni Lion, hindi lang sa late game, kung hindi laban na rin sa mga illusion heroes at natural Manta Style-carrier katulad nina Terrorblade, Medusa, Luna, at Axe, na nangibabaw noong nagdaang bakbakan. Bukod kasi sa Level 25 +250 AoE Hex, mabisang pangpatay din sa illusions ang multi-target Mana Drain upgrade na bigay ng shard.
Noong ONE Singapore Major 2021, napakita ni Hu “kaka” Liangzhi na mabisang pangontra rin ang hero laban sa mobile na hero katulad noon ng Storm Spirit ni Abed “Abed” Yusop.
Hindi nagbago ang pananaw ng mga manlalaro dito dahil madalas din ma-pick si Lion bilang counter kina Puck at Timbersaw noong qualifier.
Walang mas magandang pamalit kay Lion
Tatlong support hero lang ang nangingibabaw pagdating sa mga strong disables: sina Lion, Bane, at Shadow Shaman.

Hindi na-pick kahit isang beses si Bane noong qualifiers, samantalang limang beses lang nakapagpakita si Shadow Shaman, at isang mapa lang ang kanyang naipanalo.
Kumpara kay Lion, puro single-target abliities lang ang meron si Bane. Hindi rin masyadong reliable ang kanyang ultimate na Fiend’s Grip, bagamat tumatagos sa spell immunity, dahil kailangan ito i-channel at mahaba rin ang cooldown nito.
Ganon din halos ang mechanic ng Shackles ni Shadow Shaman. Na-etsa-puwera rin ang lakas nito sa pag-push sa kasalukuyang meta dahil sapat na kadalasan ang physical damage ng mga sumikat na carry upang makabasag ng tore.
Sa kabuuan, pasok na pasok ang skillset at playstyle ni Lion sa meta na humihigit sa isang oras ang mga laban. Pero dahil tatlong buwan pa ang ating hihintayin bago magsimula ang The International 10, malamang ay magbabago pa ang paraan kung pano laruin ng mga professional players ang Dota 2.