Patuloy ang pagluluksa ng esports community sa pagpanaw ng Pinoy esports icon na si Aldrin “Kuya D” Pangan.

Sa kabila ng mga ito, nagpaalala si Marlon “Lon” Marcelo, ang kasalukuyang Deputy Executive Director ng Philippine Esports Organization at kalahati ng ‘The Most Explosive Casting Tandem’, na patuloy suportahan ang paglago ng esports community dahil ito ang nais ng kanyang yumaong partner.

“… Please continue to support our ever-growing PH Esports community. It does not matter what game, what genre or what platform we are using. Kuya D loves esports. He wishes it [to] grow and to be successful. He wants it to achieve “The next level play,” sulat ni Lon sa kanyang Facebook page.

Ipinaalam din ni Lon na nakahimlay ngayon si Kuya D, na kilala rin sa pangalang Dunoo, sa Tarlac, kung saan naroon ang kaniyang pamilya. Pinasalamatan din niya ang mga nagpa-abot ng kanilang pakikiramay at suporta sa panahon ng kanilang pagluluksa.

Tribute kay Kuya D
Credit: Mineski Events Team – MET Events

Ang pagluluksa ng esports community sa pagpanaw ni Kuya D

Napuno ng pakikiramay at tribute sa social media matapos ang biglaang pagnaw ni Dunoo. 

Ang Dota 2 na team na OG, ipinabatid kung paano sila nabuhat ng Pinoy caster patungo sa makasaysayan nilang pag-angat ng dalawang Aegis of Champions. Nakiusap din sila na muling ibalik ang iconic na chat wheel upang ma-ukit panghabang-buhay ang kanyang alamat. 

Isa ang OG sa mga koponang mahilig mag-spam ng chat wheel sa laban, at isa sa kanilang paborito ay ang “Lakad Matatag! Normalin, Normalin”, dalawang kasabihan mula kina Lon at Kuya D nang i-cast nila ang serye ng Fnatic kontra Team Secret noong ESL One Katowice 2018, na unang na-introduce noong The International 2018 Battle Pass.

Sa isang tweet, ipinabatid ng Team Undying support player na si David “MoonMeander” Tan na sana’y mag-alay ng ‘something special’ ang Valve sa papalapit na The International para sa ‘legenday caster’.

Inalala rin ng Beyond the Summit founder at Dota 2 personality na si David “Godz” Parker sa kanyang tweet ang ‘Filipino casting legend’ kasama ang isang throwback picture na kinunan noong 2013.

Tribute kay Kuya D
Credit: BTSGoDz

Nag-alay naman ng isang minutong katahimikan ang pambato ng Southeast Asia na T1 para kay Dunoo nang magharap sila ng Alliance sa ESL One Fall 2021. Nag-all chat ng “rest in peace aldrin dunoo #lakadmatatag” ang kapitan ng koponan na si Carlo “Kuku” Palad at sinundan naman ito ng “RIP Kuya D” nina Karl “Karl” Baldovino at Matthew “Whitemon” Filemon.

Tribute kay Kuya D
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Samantala, bago matapos ang unang broadcast ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 8, inalala rin nina Mara Aquino, Dan “Leo” Cubangay, at Manjean “Manjean” Faldas ang bantog na personalidad.

Tribute kay Kuya D
Credit: MPL Philippines

“Let Kuya D be a good example for all of us. He was gone too soon but we have to keep going. Sa buhat na ‘to, normalin na lang natin. Tuloy lang,” pahayag ni Leo, na inalay ang kanyang pagka-cast noon para kay Kuya D.

Nag-trending din sa Twitter ang Lakad Matatag noong araw na napabalita ang kaniyang pagpanaw.