Lumilitaw sa The International ang mga kakaibang stratehiya mula sa mga kasaling koponan. Bakit nga naman hindi? Sa turneong ito pinaglalabanan ang titulo bilang pinakamagaling na Dota 2 team sa buong mundo kasama na ang sandamakmak na perang papremyo.

Sa unang araw ng The International 10, naging patok ang isang stratehiya na maaaring maghugis ng meta sa naturang kompetisyon—ang mabangis na Lycan-Tiny combo.

Anim na beses namataan ang Lycan-Tiny combo sa TI10 Group Stage Day 1. Bagamat dalawang beses lang ito nanalo, nakakatakot pa rin ang nasabing strat kapag na-execute nang tama at hindi na-counter ng kalaban.


Paano tumatakbo ang Lycan-Tiny combo?

Credit: Valve

Ang pinakapundasyon ng kinakatakutang Lycan-Tiny combo ay ang binibigay ng Aghanim’s Scepter na karagdagang ability kay Lycan na Wolf Bite.

Gamit ang Wolf Bite, kinakagat ni Lycan ang isang kakamping hero at tina-transform ito patungo sa isang lobo. Binibigay ng Wolf Bite sa na-transform na kakampi ang effects ng Shapeshift ultimate ni Lycan. Bukod pa dito ang 30% lifesteal at 30% share lifesteal sa pagitan ni Lycan at ng transformed ally.

Ang Shapeshift ay nagbibigay ng haste speed na 550, slow effects immunity, crit chance at crit damage, health bonus at night vision bonus sa loob ng 28 segundo (34 segundon kapag kinuha ang +6s na talent sa Level 20).

Swak na swak ang Wolf Bite para kay Tiny dahil nasosolusyunan nito ang kanyang problema pagdating sa mobility. Mas napapadali para sa isang “wolfed” Tiny ang paglapit at paghabol niya sa mga target. Natural nang mataas ang right-click damage at makunat ang isang Tiny salamat sa kanyang Tree Grab at Grow ulti kaya naman mobility at attack speed na lang ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin.


Roles at core items ng Lycan-Tiny combo

Para sa Lycan-Tiny combo, ginagamit ang Tiny bilang carry at Lycan bilang offlaner sa gumugulong na TI10.

Narito naman ang kanilang core items:

Lycan

Credit: Valve
  • Helm of the Overlord
  • Aghanim’s Scepter

Tiny

Credit: Valve
  • Echo Sabre
  • Shadow Blade
  • Aghanim’s Shard
  • Black King Bar

Rekta Helm of the Overlord ang Lycan para makapag-dominate ng isang Ancient creep na malaki ang naitutulong sa kanyang pag-farm sa lane at jungle para mabili agad ang Aghanim’s Scepter.

Para kay Tiny naman, binibilhan siya ng Echo Sabre at Shadow Blade imbes na Blink Dagger para makakuha ng attack speed. Sa kanya binibigay ang Aghanim’s Shard para maging infinite ang charge ng kanyang Tree Grab sabay build ng Black King Bar para hindi basta-basta makontrol sa mga team fight.

Depende na sa sitwasyon ang mga susunod na items. Kadalasan ay Assault Cuirass ang sunod na item para sa Lycan habang kay Tiny naman ay Silver Edge o Moon Shard para sa mas mabilis na palo.


Paano pinagana ng TI10 teams ang Lycan-Tiny combo?

Sa anim na koponan na ginamit ang Lycan-Tiny combo sa unang araw ng TI10 Group Stage, tanging Evil Geniuses at Elephant lamang ang na-execute ito nang maayos at hindi rin masyadong nakontrol ng kanilang kalaban kaya sila nanalo sa loob lamang ng average time na 30.5 minuto.

Dahil medyo lugi sa early game, sinisiguro muna nila na makapag-farm ng maayos ang kanilang Lycan at Tiny hanggang sa makuha nila ang kanilang core items. Hangga’t maaari, umiiwas sila sa malalaking team fight.

Kapag nakabili na ang Tiny ng Shadow Blade, umiikot na siya sa mapa para sa potential pickoffs na mapapabilis lalo ang kanyang pag-farm. At kapag nakuha na niya ang kanyang Aghanim’s Shard at BKB sabay online na rin ang Wolf Bite ng Lycan, dito na nagsisimulang umarangkada ang dalawa at tuluyang nag-i-snowball tungo sa panalo.


Pwede niyong masubaybayan ang mga kaganapan sa The International 10 sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines. Maaari niyong panoorin ang mga laban sa opisyal na Filipino broadcast ng LuponWXC sa Twitch, YouTube at Facebook.


Nagustuhan mo ba ang combo na ‘to? Pwede ka pang makakita ng iba pang strat at malulupit na plays sa Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.