Hindi naging matagumpay ang two-time back-to-back champions ng The International na OG na mag-qualify para sa paparating na WePlay AniMajor.
Matapos ang hindi magandang performance sa dalawang regional league seasons sa Western European division, ang dating TI8 at TI9 champions ay naubusan na ng pagkakataon na makakuha ng DPC 2021 Points para makaabot sa The International 10.
Ang huling pagkakataon ng OG para sa The International 10
Kung gusto nilang makuha ang kanilang ikatlong TI championship, kailangan nilang makipagbuno sa kinakatakutang Last Chance Qualifier para sa TI10.
Hindi na iba para sa OG ang Last Chance Qualifier. Sa katunayan ay nagsimula ang kanilang DPC run sa Last Chance Qualifier sa Europe bago ang TI8.
Tinalo ng OG ang Wind and Rain upang maging huling kinatawan ng rehiyon. Dito nagsimula ang kanilang Cinderella run para maging kampeon ng TI8, pati na rin ng TI9 ng sumunod na taon.
Hindi pa inaanunsyo ng Valve ang petsa ng Last Chance Qualifier para sa The International 10.
Ang pangkaraniwang performance ng OG sa DPC 2021
Natalo ang legendary European team sa Team Liquid sa kanilang huling match sa DreamLeague Season 15 DPC Western Europe Upper Division.
Nagtapos sila na may 3-4 record tulad ng Brame at Tundra Esports, na nagresulta sa isang three-way tiebreaker sa katapusan ng DPC 2021 season.
Dahil tabla ang tatlong teams sa fifth place, ang OG, Brame, at Tundra Esports ay maglalaban-laban sa isang best-of-one round-robin format, kung saan ang matatalo ay babagsak sa Western Europe Lower Division sa susunod na season.
Sa nakaraang DreamLeague Season 14 DPC EU Upper Division, nagtapos din ang OG sa record na 3-4, pero natalo sa Team Liquid sa tiebreakers. Nagpatuloy ang Team Liquid para lumaban sa ONE Esports Singapore Major.
Lalabanan ng OG ang Brame at Tundra Esports sa May 22 para subukang makaiwas sa Lower Division sa susunod na season.
Panoorin ang mga laban live sa official Twitch channel ng DreamLeague . Ang detalyadong schedule ay makikita sa Twitter ng DreamHack .