Naglathala si David “MoonMeander” Tan ng isang Twitlonger tungkol sa mahaba at mahirap na landas na kailangang tahakin ng Team Undying para makarating sa The International 10.
Ito ang ikatlong subok ng 29-taong-gulang na manlalarong maiuwi ang Aegis of Champions. Ngunit upang maisakatuparan man lang ang pagkakaroon nila ng bootcamp para sa nasabing Dota 2 world championship, kinailangan niya pang gumawa ng isang GoFundMe account.
Pag-reflect sa mga kabiguang makapasok sa mga Major ng 2021 DPC season

Nahati sa dalawang Division ang Dota Pro Circuit ngayong taon: ang Upper Division, kung saan paglalaban-labanan ng mga koponan ang pagkakataon na maka-qualify sa Major tournaments, at ang Lower Division, kung saan nakataya ang tsansa na ma-promote sa Upper Division.
Sa mga Major tournament naman, nakasalalay din ang Dota Pro Circuit points na kailangan para maging directly qualified sa The International.
“Our first Major Qualifier, we forced a 3-way tiebreaker from groups with EG, Quincy, UND all going 6-1. If you went 6-1 in any other region, you’re either first seed or directly qualified, but not in NA,” sulat ni MoonMeander.
“If you’re not winning, shuffle away”

Dagdag niya na kailangan ng mga koponan na makapasok sa mga malalaking tournament o maki-partner sa mga bigating sponsor para magtagumpay. Dahil sa top-heavy distribution ng prize money sa Dota 2, hindi sapat ang mapapanalunan ng hamak na third-placer ng isang rehiyon para maka-survive.
Dahil dito, napipilitan ang mga koponan na manalo sa mga turneo, ‘pagkat hindi sapat ang consistent na performance. All-or-nothing ang kadalasang scenario ng mga koponan, na nauuwi lang sa mga player shuffle.
“This becomes the narrative for NA teams for times to come, and I do believe the biggest reason is that if you aren’t attending a major or aren’t sponsored, you make $0, there is no incentive unless you’re on top, so shuffle away,” pakiwari ni MoonMeander.
Kung hindi man re-shuffle pagkatapos ng The International o isang Major tournament, minsan ay binubuwag na lang ang isang Dota 2 team. Sa ngayon, nagre-rebuild ang EHOME, NAVI, Omega Esports, at iba pa.
Ang paglalakbay ng Team Undying papuntang The International 10

Naka-qualify ang Team Undying sa taunang Dota 2 world championship matapos nilang walisin ang regional qualifier para sa North America. Tinuldukan ng 9-0 nilang kampanya ang dalawang season ng kabiguan para kay MoonMeander.
Pero ibang pagsubok pa ang humahadlang sa kanila ngayong naselyo na nila ang kanilang pagkakataong makipagbakbakan para sa Aegis of Champions.
“So now what you ask? Bootcamp. We have tried multiple times with sponsors/organizations, some even got poached, some want to wait till after TI10, some think NA is too unstable,” ayon kay MoonMeander.
Batikang manlalaro na si MoonMeander pero para sa mga kakampi niyang sina Jonáš “SabeRLight-” Volek at Jonathan Bryle “Bryle” Santos De Guia, ito ang unang pagkakataon na makakapagpakitang-gilas sila sa engrandeng turneo.
“All I want is to give my boys, some first-time TI attendees, the best chance they can get to prove themselves,” dagdag ni MoonMeander. “These boys have stuck with me, through thick and thin, to get here, loyal to the end, and it would break my heart if they don’t get the same chance as premium organizations do, to compete at TI10.“
Ang problema ng Team Undying at ang mas malaking problema sa Dota 2 esports

Nasiwalat ng post ni MoonMeander ang matagal nang problema ng professional Dota 2 scene. Sa madaling salita, ito ay dahil sa malaking prize pool ng The International at kung paano ito i-distribute.
Hindi biro ang gastos ng pagpapatakbo ng isang professional esports team. Mas madali para sa mga organisasyon na mag-invest sa isang koponan kung alam nilang malaki ang tsansa nilang makahati sa US$40 million prize pool ng The International.
Ngunit dahil ito ang “be all end all” ng Dota 2 esports, natatabunan na nito ang lahat.
Bagamat nakapag-uwi ng US$27,000 ang Team Undying matapos ang ikatlo nilang puwesto sa Upper Division at first-place finish sa BTS Pro Series, hindi pa rin ito sapat lalo na’t hirap pa rin silang maghanap ng mga sponsor dahil hindi sila kasing tanyag kumpara sa ibang koponan.
Dahil kahit ang mga de-kalibreng team ay nahihirapan na i-sustain ang kanilang karera, marahil ay oras na para baguhin ng Valve kung paano binubuo ang competitive scene ng Dota 2.
Maaaring mag-donate sa GoFundMe ng Team Undying para masuportahan ang kanilang bootcamp para sa The International 10.
BASAHIN: Bakit mahirap para sa mga aspiring pros na makapasok sa Dota 2 scene