Naniniwala si Daryl Koh “iceiceice” Pei Xiang na ang dating teammate at ngayo’y coach ng TNC Predator na si Chai “Mushi” Yee Fung ang pinakamagaling na Dota 2 captain sa Southeast Asia.

Naungkat ang usapan nang may magtanong sa livestream ng Evil Geniuses offlaner kung sa tingin ba niya na sa kapitan ng T1 na si Carlo “Kuku” Palad nararapat ibigay ang nasabing pagkilala.

“No,” sagot ni iceiceice, bandang 3:26:39-marka ng stream, matapos ang mahaba-habang pag-iisip. “I think Mushi is the best captain in SEA.”

Bakit sa tingin ni iceiceice na si Mushi ang ‘best captain in SEA’

Ayon kay iceiceice, wala pang naipapanalong malaking turneo si Kuku bilang kapitan ng isang koponan kumpara sa dati niyang kampi.

“Kuku has never really won anything substantial, but I think Mushi has, as a captain. Yeah, I mean Mushi won one of the Majors right? And Mushi got like third for [The International], as a captain…” paliwanag ng tanyag na manlalaro.

Matatandaang kabilang si Mushi at iceiceice sa roster ng Mineski-Dota na nag-uwi ng kauna-unahang Major championship title para sa rehiyon matapos ang kanilang tagumpay sa Dota 2 Asia Championships 2018.

iceiceice at Mushi kasama ang Mineski-Dota sa Dota 2 Asia Championships 2018
Credit: Perfect World/PGL

Si Mushi rin ang kapitan ng Orange Esports noong The International 2013 na nagtapos sa ikatlong puwesto. Noong 2016 naman, nag-fourth place sa taunang Dota 2 championship ang Fnatic Dota sa pangunguna pa rin ng manlalarong tubong Malaysia.

Ang kaso ni Kuku bilang kapitan

Bagamat naging parte si Kuku ng mga hindi malilimutang panalo ng TNC Predator, katulad ng kanilang tagumpay sa World Electronic Sports Games 2016 at ang tinaguriang “greatest upset” sa kasaysayan ng Dota 2 kontra OG noong The International 2016, hindi naman siya ang nagsisilbing kapitan sa likod ng mga ito.

Kabilang naman sa mga napagtagumpayan ng Pinoy bilang kapitan ng T1 ay ang first-place finish nila sa Dota Pro Circuit 2021: S2 – Southeast Asia Upper Division, third-place finish sa WePlay AniMajor, at kampeonato sa ESL One Summer 2021, na isang non-Dota Pro Circuit tournament.

T1 ESL One Summer 2021 Champions
Credit: T1

“Kuku has never won anything substantial. He hasn’t won anything huge as a captain, so we have to see,” dagdag pa ni iceiceice.

Sumaludo rin ang Singaporean offlaner sa kasalukuyang coach ng T1 na si Park “March” Tae-won, na nagsilbi rin bilang coach ng TNC Predator noong sila ay manalo sa MDL Chengdu Major at ESL One Hamburg 2019.

“March is definitely a good position five and captain, but I think he is tired of playing,” bigkas ni iceiceice. “It’s not easy to play so much Dota.”


Pareho nang directly qualified ang mga koponan ni Kuku at iceiceice para sa The International 10.

Samantala, susubukan naman ni Mushi na muling ibalik ang TNC Predator sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon mula sa Southeast Asia qualifiers.