Kinuha ng TNC Predator si Chai “Mushi” Yee Fung para maging coach sa paparating The International 10 Southeast Asia qualifiers.
Nakahanap ng dagdag resbak ang all-Pinoy stack sa porma ng tanyag na Malaysian Dota 2 personality. Inaasahan kasi na magiging madugo ang bakbakan para sa natitirang tiket papuntang pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon dahil sa kalibre ng mga kalahok.
Naunang maging support ng Team SMG si Mushi noong simula ng Dota Pro Circuit 2021 season, ngunit umalis din sa koponan matapos ang huling season.
Kumusta nga ba si Mushi bilang coach?

Hindi ito ang unang beses na magsisilbing coach si Mushi ng isang koponan. Matatandaang nasa likod din siya ng 9th-12th place finish ng Mineski-Dota noong nakaraang The International, kahanay ng TNC Predator, Newbee, at Virtus.pro.
Noong 2019 din naganap ang ‘di malilimutang laban ng European powerhouse na Team Secret kontra pambato ng Southeast Asia na noo’y pinalalakas ng Pinoy support tandem nina Ryan Jay “ragingpotato” Qui at Michael “ninjaboogie” Ross.
Bagamat iilan pa lang ang kanyang karanasan sa larangan ng pagiging coach, hindi naman na mabilang ang kanyang mga tagumpay bilang isang Dota 2 player.
Nagsilbing haligi ng rehiyon si Mushi sa kabuuan ng kanyang karera. Kinakatawan ng mga koponang kanyang sinasalihan ang Southeast Asia sa The International simula 2012 hanggang 2016, kung saan tinulungan niyang magtapos ang Fnatic sa ika-apat na puwesto.
Kabilang din siya sa roster ng Mineski-Dota na nag-uwi ng kauna-unahang Major championship para sa rehiyon matapos nilang talunin ang PSG.LGD sa Dota 2 Asia Championships 2018.
Ang roster ng TNC Predator para sa TI10 SEA Qualifier

- Kim “Gabbi” Villafuerte
- Armel “Armel” Tabios
- Jun “Bok” Kanehara
- Timothy “Tims” Randrup
- Marvin “Boomy” Rushton (kapitan)
- Chai “Mushi” Yee Fung (coach)
Sasabak ang TNC Predator sa TI10 SEA Qualifiers na gaganapin simula Hunyo 30 hanggang Hulyo 3.
Kalahok din sa paparating na qualifier ang ibang tanyag na koponan sa rehiyon katulad ng OB Esports x Neon, Fnatic, Execration, Boom Esports, Motivate.Trust Gaming, at Team SMG, bukod sa iba pa.