Championship titles sa PNXBET Invitationals Southeast Asia Season 2 at BIX Invitationals Summer ang sinelyo ng OB Esports x Neon noong ika-25 ng Hulyo.
Hindi alintana ng mga Pinoy ang 10 mapa mula sa dalawang magkasunod na best-of-five serye kontra Motivate.Trust Gaming at Moon Chasers na kanilang pinagdaanan sa loob ng isang maghapon.
Ang back-to-back championship ng OB.Neon
Sinimulan ng OB.Neon ang kanilang araw sa grand final ng PNXBET Invitationals Southeast Asia Season 2. Rematch kontra koponan mula Thailand, na kanilang tinalo sa upper bracket gamit ang support Faceless Void, ang naging matchup.
Ngunit sa pagkakataong ito, walang nilabas na kakaibang draft ang OB.Neon. Sinandalan lang nila ang mga comfort pick ng kanilang midlaner na si Jasper “Yopaj” Ferrer, katulad ng Puck at Zeus, habang ang mga hero na sumikat naman noong The International 10 regional qualifiers, gaya nina Terrorblade at Dragon Knight, ang kanilang pinalaro sa carry nilang si Andrei “ctm” Ong.
Ang ikalawang mapa ng serye ang naging highlight ng kanilang paghaharap. Umahon mula sa higit 10k tambak sa gold ang mga Pinoy salamat sa kanilang husay sa pakikipag-team fight. Natapatan ng Gyrocopter ni ctm ang matabang Terrorblade ni Souliya “JaCkyy” Khoomphetsavong, habang ang Puck naman ni Yopaj ang lumilinis sa backline ng kalaban.
Bandang a las nueve ng gabi, sinimulan naman ng OB.Neon ang ikalawa nilang grand final kontra Moon hasers sa BIX Summer Invitational.
Binuksan nila ang serye gamit ang magkasunod na sub-20 minutong panalo, salamat na rin sa stand-in nilang si Timothy “TIMS” Randrup mula TNC Predator. Nagtala ang support player ng game-high assists bilang Mirana at Nyx Assassin sa una at ikalawang mapa upang matulak agad ang kalaban sa bingit ng tournament point.
Mas maaga sana nilang matatapos ang serye kung hindi lang sila nadali ng Huskar at Phantom Assassin picks ng pambato ng China noong ikatlo at ika-apat na mapa. Bagamat nauwi sa best-of-one ang naturang bakbakan, 24 minuto lang naman ang kinailangan ng OB.Neon upang maselyo nila ang ikalawang championship title sa loob ng isang araw.
Ang pang ‘surenament’ na Ember Spirit ni Yopaj

Bahagyang nabahiran ng kaba ang tsansa ng OB.Neon na manalo sa magkasunod na serye dahil umabot ang mga ito sa sukdulan. Ngunit sa parehong pagkakataon, sinigurdao ng Ember Spirit ni Yopaj na sila lang ang mag-uuwi ng mga kampeonato.
Kung anong dikit ng mga serye, gayun naman kadali ang nagiging panalo ng mga Pinoy sa tuwing palalaruin nila ang naturang hero sa kanilang midlaner.
Kontra Motivate.Trust Gaming, nagtala ang manlalaro ng game-high 20 kills at 48k hero damage sa loob ng 32 minuto nang hindi namamatay kahit isang beses. Nagawa niya ring baugin ang Puck ni Poomipat “Fearless” Trisiripanit na limang beses namatay bago sumapit sa 20-minuto ang laro.
Parehong game-high 20 kills din ang pinamalas ni Yopaj kontra Moon Chasers pero sa ‘di hamak na mas mabilis na 24 minutong laro. Nag-ambag din siya ng 18 assists para pumalo sa game-high 78% ang kanyang kill participation. Hindi rin niya napaporma ang katapat na Lina na limang beses namatay bago lumagpas sa 10 minuto ang laban.

Dahil sa kanyang pagpapakitang-gilas, ang 19-taong-gulang na manlalaro ang nag-uwi ng PNXBET Invitationals Southeast Asia Season 2 MVP title pati na rin ang PHP 50,000 papremyong kasama ng parangal.
Samantala, PHP 300,000 ang napanalunan ng OB.Neon sa turneong inorganisa ng LuponWXC at USD $5,000 naman sa palaro ng Oceanic Esports.
Nakatakdang ituloy ng koponan ang kanilang kampanya sa BTS Pro Series Season 7 Southeast Asia simula ika-27 ng Hulyo.
