Nakatakdang depensehan ng OG ang Aegis of Champions na kanilang hinahawakan simula 2018 matapos ang kanilang tagumpay sa The International 10 Western Europe qualifier.

Lumaban ang defending champions hanggang sa huling mapa ng best-of-five series kontra Tundra Esports upang makumpleto ang 18 koponan na lilipad papuntang Bucharest, Romania para sa taunang Dota 2 world championship.

Ang paglalakbay ng OG patungong The International 10

Credit: OG

Hindi naging madali ang kanilang paglalakbay papunta sa TI10, pero hindi na bago ito para sa OG. 

Gaya noong nakaraang tatlong taon, walang bakas ng koponang bumuhat sa kampeonato noong dalawang huling world championship ang nagpakita sa Dota Pro Circuit 2021.Sa dalawang season na nagdaan, dalawang beses din silang nagtapos sa ikalimang puwesto.

Kaliwa’t-kanan din ang roster change na kanilang pinagdaanan. Tatlong beses sila nagpalit ng carry, mula kay Yeik “midone” Nai Zheng noong unang season, at Anathan “ana” Pham, na nagretiro matapos ang ikalawang season, hanggang sa makuha si Sumail Syed “SumaiL” Hassan bago magsimula ang regional qualifiers.

Dota2 OGSumail
Credit: OG

Katulad ng inaasahan, hindi naging swabe ang kanilang kampanya sa Western Europe qualifier. Dalawang beses silang natulak sa bingit ng lower bracket, una mula sa kamay ng Vikin.gg at sumunod kontra Team Nigma, bago tuluyan ng Tundra Esports nang magkita sila sa upper bracket final.

Ang dalawang natitirang matitibay na koponan sa rehiyon ang hinarap ng OG sa huling araw ng qualifier. Nilaglag nila ang koponan ni Kuro “KuroKy” Salehi Takhasomi, dahilan upang hindi makadalo ang batikang manlalaro sa TI sa kauna-unahang pagkakataon, bago bansehan ang United Kingdom-based na organisasyon sa grand final.

Matapos ang walong mapa na kanilang nilaro sa loob ng 11 oras, nagtagumpay ang two-time Aegis of Champions bearer para matupad ang pagkakataong makipaglaban para dito sa ikatlong sunod na beses.

The International 10 roster ng OG

Credit: Wykrhm Reddy
  • Syed Sumail “SumaiL” Hassan
  • Topias Miikka “Topson” Taavitsainen
  • Sébastien “Ceb” Debs
  • Martin “Saksa” Sazdov
  • Johan “N0tail” Sundstein

Sa isang tweet, inamin ng offlaner ng koponan na ang kanilang pinagdaanan ngayong taon ang pinakamahirap na pagsubok sa kabuuan ng kanyang karera.

Ginhawa at kaligayahan naman ang naramdaman ng carry ng koponan. Nakwento din ni SumaiL sa post-game interview ang kanyang karanasan sa ilalim ng bagong organisasyon.

“We don’t take any pressure and I think that’s one of the biggest strengths we have, that’s what wins you this series. It doesn’t matter how good you are, what strats you have, if you’re not comfortable, confident, it’s gonna bite you,” sabi niya.

Samantala, sasamahan naman ng OG ang Team Secret at Alliance bilang kinatawan ng Western Europe sa The International 10, na nakatakdang ganapin sa Oktubre.