Ipinabatid na ng Omega Esports ang pamamaalam sa kanilang Dota 2 roster, na binubuo nina Justine “Tino” Grimaldo, Mc “Mac” Villanueva, Samson “Sam_H” Hidalgo, Mark “Shanks” Redira, at Bryle “cml” Alvizo, ilang linggo matapos mabigo sa The International 10 Southeast Asia qualifier.

Inilathala ng organisasyon ang desisyon sa kabila ng pag-angat ng koponan sa Upper Division ng Dota Pro Circuit 2021: Season 2 – Southeast Asia, mula sa Lower Division noong naunang season.

https://www.facebook.com/omegaesportsph/photos/1184797335334180

“Their experiences, skills, and knowledge of the game individually and as a team are undeniably unequaled. We are truly grateful for your efforts in carrying the Smart Omega Esports banner,” sulat ng organisasyon sa kanilang social media.

Dagdag ng management sa kanilang anunsyo, gagamitin daw nila ang pagkakataong ito upang paghandaan ang mga paparating na Dota 2 tournament at susunod na DPC season.

Ang 2021 season ng Omega Esports

Sinimulan ng Omega Esports ang kanilang kampanya sa DPC mula sa Lower Division. Tinapos nila ang unang season sa ikalawang pwesto ng standings, na may kaparehong series score na 5-2 sa topseed na Lilgun, upang ma-promote sa Upper Division.

Ngunit bago magsimula ang ikalawang season, lumipat sa TNC Predator ang offlaner at support players nilang sina Jun “Bok” Kanehara at Marvin “Boomy” Rushton. Pinunan ng mga beteranong sina Sam_H at Shanks ang puwang na iniwan ng dalawang Cebuano.

Shanks at Sam_H, pasok sa Omega Esports
Credit: Omega Esports

Hindi man kasing tikas ng kanilang pangingibabaw sa Lower Division ang kanilang naipamalas, napatunayan pa rin ng mga Pinoy na kayang nilang makipagsabayan sa mga koponan sa Upper Division. Nagtapos sila sa ika-anim na puwesto matapos ma-survive ang three-way tie-breaker kontra OB Esports x Neon at BOOM Esports.

Sa labas ng Dota Pro Circuit, nakamit naman ng koponan ang championship title sa Asian New Bloom at PNXBET Invitationals Season 4. Nag-second place din sila sa Moon Studio Spring Trophy.

Omega Esports PNXBET Invitationals Season 4 champions
Credit: Omega Esports

Samantala, ito ang ikalawang sunod na pagkakataon sa loob ng isang linggo na nagkaroon ng anunsyo tungkol sa kanilang Dota 2 roster ang mga koponan sa Southeast Asia na nabigong makapasok sa The International 10.

Ipinahayag din ng TNC Predator kamakailan na magpapahinga muna ang kanilang mga manlalaro hanggang sa susunod na TI season, habang natanggal naman sa OB.Neon ang kanilang carry na si John Anthony “Natsumi-” Vargas.