Matutuloy na ngayong taon ang naudlot na The International (TI)—ang pinakamalaking Dota 2 tournament kung saan nagsasagupaan ang “the best of the best” sa buong mundo.

Paglalabanan ng 18 teams sa TI10 ang lion’s share ng pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng esports na nasa mahigit $40 million (P2 billion) mula October 7 hanggang 17 sa Arena Naţională sa Bucharest, Romania.

Pero paano kaya kung tulad sa Olympics o traditional sports ay irerepresenta ng mga players ang kani-kanilang bansa sa TI? Sinu-sino ang maaaring magbandera sa Pilipinas?

Narito ang nakikita ng manunulat na pwedeng bumuo sa “Dream Team” ng Pinoy Dota:


Hard support – Dj

Credit: Fnatic

Isa sa mga beterano sa pro scene, napatunayan na ni Djardel “Dj” Mampusti na siya ay isang versatile player. Bumida siya bilang midlaner at offlaner para sa EoT Hammer/Rave at sumikat bilang matinik na position-4 support nang malipat sa Fnatic.

Naipakita na rin ng 26-year-old stalwart na kaya niyang mag-shine sa hard support heroes tulad nila Enchantress at Io habang nagsisilbing captain ng Malaysia-based powerhouse squad. Ang mas beterano pa sa kanya na si Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang ay bilib sa talento ni Dj sa parehong support roles. Binigyan siya ng Singaporean pro at ex-teammate ng “SS” rating sa sarili nitong tier list para sa mga Southeast Asian players.

Reserves: RR, Jaunuel


Soft/Roaming support – Tims

Credit: MDL

Kilala si Timothy “Tims” Randrup bilang “Earth Spirit God” ng Pinas ngunit naipamalas na rin ng 24-year-old standout ng TNC Predator ang kanyang malupit na galawan sa iba pa niyang signature heroes gaya nila Earthshaker at Mirana.

Patunay sa husay ni Tims ang pagboto sa kanya ng mga compendium owners para makasali sa TI9 All-Star Match—ang kauna-unahan at natatanging pagkakataon na nakasama ang isang Pinoy sa nasabing show match. Maging ang captain ng two-time TI champion team OG na si Johan “N0tail” Sundstein ay hangang-hanga sa kanya. “I always thought Tims was one of the best players,” ani ni N0tail sa interview ni PH Dota personality Nico Nazario (KuyaNic) sa kanya noong nakaraang taon.

Reserves: BDz, Shanks


Offlaner – Kuku

Credit: Kuku

‘Di maikakailang isa si Carlo “Kuku” Palad sa mga pinakarespetadong beterano sa PH Dota. Mula sa pagiging “Filipino Huskar” ng TNC na nagpabagsak sa two-time Major winner OG na hindi nag-research noong TI6, nag-evolve si Kuku bilang isang mapagkakatiwalaang captain at solidong offlaner ng Geek Fam at T1. Sa ngayon, kilala ang 24-year-old pro sa kanyang Broodmother, Axe at Timbersaw, at higit sa lahat sa leadership skills na ipinapakita niya sa T1 na kinabibilangan ng dalawang Indonesian, isang Thai at isa pang Pinoy player na si Karl “Karl” Jayme.

Tulad ni Dj, maglalaro si Kuku sa kanyang ikalimang sunod na TI. ‘Di lang simpleng kalahok ang tingin kay Kuku at sa kanyang koponan sa darating na world tournament kundi mabigat na contender para maiuwi ang Aegis of Champions matapos nilang makamit ang third place sa WePlay AniMajor at ang kampeonato sa ESL One Summer.

Reserves: Enryu, Nikko


Midlaner – Abed

Credit: ONE Esports

Walang kuwestiyon, si Abed “Abed” Yusop ang pinakamagaling na Southeast Asian midlaner sa ngayon at isa sa mga tinitingala sa nasabing role sa buong mundo. Isang highly-mechanical prodigy na tuluyang naging star player, makailang ulit na umukit ng kasaysayan si Abed pagdating sa matchmaking rating (MMR). Siya ang kauna-unahang player na naabot ang 8K, 10K at 11K MMR.

Popular sa kanyang Puck, Storm Spirit at Meepo, tinulungan ng 21-year-old pride ng Dasmariñas, Cavite ang North American powerhouse Evil Geniuses na makakuha ng back-to-back runner-up finishes sa dalawang Major tournaments ngayon taon. Sa AniMajor noong June, malaki ang ginampanan ni Abed sa nagbabagang lower bracket run ng EG papuntang grand finals.

https://www.facebook.com/ONEEsports/videos/109702874459667/

Reserves: Armel, Karl, Yopaj


Carry – Raven

Credit: ONE Esports

Pinamukha ni Polo “Raven” Fausto na siya ang “one true carry” ng SEA matapos patikimin ng Fnatic ang kanyang former team na TNC ng mapait na reverse sweep sa TI10 SEA Qualifiers. Sa huling tatlong games, nagtala si Raven ng makalaglag-pangang sumatotal na 35 kills, 35 assists at zero deaths gamit ang Terrorblade (Game 3 at 4) at Axe (Game 5).

Sinasaluduhan ang 22-year-old pos-1 player dahil sa kanyang efficient farming sa early game at killer instinct pagdating sa mga crucial team fights—mga tatak ng isang tunay na tagabuhat ng koponan.

Reserves: Gabbi, Skem, Palos


Kung may sapat na oras para makabuo ng chemistry, paniguradong palag-palag ang lineup na ‘to ng Pinoy Dota sakali ngang bakbakan sa pagitan ng mga bansa ang TI!