Pinulbos ng PSG.LGD ang Team Spirit, 3-1, sa grand finals para pagharian ang Sapphire OGA Dota PIT Invitational.
Matapos matalo sa Game 1, agad na bumawi ang LGD at sinelyo ang sunod na tatlong laro upang isemento ang pagiging isa sa mga paboritong manalo sa The International 10.
Nakuha ng Chinese powerhouse, na naipanalo rin ang OGA Dota Pit Seaon 5: China noong nakaraang buwan, ang top prize na US$114,500 (halos P5.7 million).
Team Spirit umarangkada sa simula ng serye
Mahirap ang pinagdaanan ng Team Spirit papunta sa grand finals. Nalaglag ang Russian squad sa lower bracket matapos makatikim ng 1-2 pagkatalo sa T1 sa simula ng playoffs. Pero nagawang gumapang ng Team Spirit at ipanalo ang apat na match sa lower bracket, kabilang ang rematch kontra sa T1.
Pantay lang ang dalawang koponan sa early phase ng Game 1. Sumubok ang PSG.LGD na makapitas sa 15-minute mark pero pumalya ito kaya naman napunta ang momentum sa pabor sa Team Spirit.
Nagpatakbo ang Team Spirit ng dalawang saving support–Shadow Demon at Vengeful Spirit–kaya mahirap mag-execute laban sa kahit sinong hero sa kanilang koponan. Pagdating ng late game, madaling nabuhat ni Illya “Yatoro” Mulyarchuk sa kanyang Sven ang koponan at nakakuha pa nga ng triple kill sa 25-minute mark.
Tuluyang sumuko ang LGD matapos ang 31 minuto. Naging maganda ang simula ng Team Spirit serye kaso nga lang hindi ito nagtagal.
Bumawi ang PSG.LGD
Kapansin-pansin na si Sven ang pinag-agawan ng mga koponan sa serye. Nakuha ng PSG.LGD ang naturang hero sa Game 2 habang ang Team Spirit naman ay pinili ang Luna.
Habang ang dalawang carry ay parehong heavy farmers na merong mataas na spread damage, ang dalawang koponan ay nagkaroon ng magkaibang atake pagdating sa draft.
Pinahalagahan ng LGD ang mga team fight gamit ang core Pangolier at support Monkey King samantalang ang Team Spirit ay nag-focus sa mga pickoff gamit ang Batrider at Night Stalker na parehong nagbibigay din ng malaking vision.
Nakaipon ang LGD ng malaking kalamangan matapos makakuha ng dalawang kills sa isang team fight malapit sa triangle ng kalaban at manakaw din ang stacks para sa Sven ni Wang “Ame” Chunyu.
Ang tagumpay na ito ng LGD sa Dire triangle ang nagsilbing tipping point ng laro. Pinagpatuloy ni Ame ang pagpapalaki ng kalamangan at naging imposible para sa Team Spirit na kontrolin siya sa late game. Nagresulta ito sa isang dominanteng panalo para sa Chinese squad.
Ame show ang naganap sa Game 3
Perpekto ang pagsisimula ng Game 3 para sa PSG.LGD matapos nilang ma-secure ang dalawang kills at lahat ng bounty runes bago ang laning stage na nagbigay agad sa kanila ng 1K gold advantage.
Nalagasan ng apat ang LGD sa isang team fight sa 19-minute mark pero nagawa ni Ame sa kanyang Faceless Void na makabawi ng dalawa gamit ang malupit na five-man Chronosphere.
Nagpakita ng masterclass si Ame sa paglalaro ng Faceless Void at tinapos ang laro na may nakakamanghang 15-1-6 stat line.
Nagbalik ang Sven ni Ame sa Game 4
Napagtanto ng PSG.LGD na ang tanging paraan para makuha nila ang Sven ay i-draft nila ito habang maaga pa na ginawa naman nila sa Game 4.
Gaya ng inaasahan, ang Sven pick ay nagbunga para sa koponan. Pareho ang naging kwento sa Game 3 kung saan nag-farm lang nang nag-farm si Ame sa kanyang Sven hanggang sa lumakas at maging halimaw sa late game. Kumana si Ame ng perpektong 9-0-11 KDA sa pagtatapos ng laro.
Parehong kasali ang PSG.LGD at Team Spirit sa The International 10 na gaganapin sa Bucharest, Romania sa susunod na buwan.
Pwede niyong basahin ang orihinal na akda ni Ahmad Alazawi ng ONE Esports.