Nagmistulang ‘The miCKe Show’ ang best-of-three serye ng Team Liquid at OG sa Dota Pro Circuit Western Europe (DPC WEU) Regional Finals matapos magtala ng nasabing midlaner ng mga nakakalulang stats sa kanilang pagkapanalo.
Nagharap ang first seed at fourth seed ng DPC 2021-2022 WEU Tour 1 Division 1 sa unang round ng upper bracket. Sa kabila ng tagumpay ng OG na mapabilang sa top four matapos ang matagal-tagal na panahon, naging matibay na paalala naman ang serye sa tikas ng Team Liquid.
miCKe ng Team Liquid tinapos ang serye kontra OG nang hindi namamatay

Ibang klaseng husay ang kailangan para hindi mamatay kahit isang beses sa isang best-of-three serye, lalo na bilang midlaner, pero nagawa ito ni miCKe ng Team Liquid kasabay ng pagtala ng double-digit na kills at assists sa parehong mapa.
Sa game one, hindi nakaporma sa Ember Spirit ni miCKE at Spirit Breaker ni Ludwig “zai” Wåhlberg ang Puck ng baguhang midlaner ng OG na si Bozhidar “bzm” Bogdanov. ‘Di naramdaman ang pagiging madulas ng hero dahil agad itong naglalaho basta mamarkahan ng Charge of Darkness.
Natapos ang 29 minutong larong ito nang hindi napatikim ng Team Liquid ang kanilang kalaban ni bahagyang kalamangan. Bukod sa higit 22 libong kalamangan sa net worth, tinambakan din nila ito ng kills, 36-8.
Bagamat naging mas matagal ang itinakbo ng ikalawang mapa, hindi naman nagbago ang pangingibabaw ni miCKe ng Team Liquid. Bilang Queen of Pain, nakapagtala ang Swedish player ng 12 kills at game-high 18 assists. Highlight din ang kanyang Ultra Kill bandang 15-minuto ng bakbakan.
Tanging si miCKe ng Team Liquid lang ang manlalarong hindi namatay noong ikalawang mapa na tumagal ng higit 35 minuto. Samantala, ang Legion Commander naman ni zai ang sumelyo sa pinakamataas na bilang ng kills na 13.
Team Liquid haharapin ang Gladiators sa UB Finals ng DPC WEU Regional Finals

Dahil sa kanilang pangingibabaw, nakatakda namang harapin ng Team Liquid ang Gladiators, na kilala dati bilang Team Tickles, para sa unang grand final slot.
Tinalo ng koponang pinangungunahan ni Melchior “Seleri” Hillenkamp ang Tundra Esports, 2-0, para maka-abante sa upper bracket finals kung saan naghihintay ang Team Liquid.
Bukod sa pagkakataong maka-abante sa grand final, nakataya rin sa best-of-three serye ang at least 130 Dota Pro Circuit points maging ang US$25,000 (₱1,200,000+) na premyo.
Nakatakdang ganapin ang laban sa ika-12 ng Pebrero, sa ganap na ikasiyam ng gabi. Ito ay ipapalabas sa opisyal na Twitch channel ng DreamLeague.
Para sa mga balita at istorya patungkol sa DPC Regional Finals, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Kuku ipinaliwanag kung bakit kinuha ng T1 si Gabbi bilang pamalit kay 23savage