Pinatumba ng T1 ang Fnatic sa isang napakahigpit na bakbakan upang makausad sa upper bracket final ng Dota Pro Circuit (DPC) Winter Tour Southeast Asia Regional Finals.

Matagumpay ang T1 sa unang serye kasama ang bagong stand-in carry nito na si Kim “Gabbi” Santos, na malaki ang ginampanan sa kanilang panalo sa Game 3 decider gamit ang kanyang signature Phantom Assassin.

Gabbi Game 3 MVP
Credit: T1

Binigyang-linaw ni Kuku kung bakit nila kinuha si Gabbi bilang stand-in sa DPC SEA Regional Finals

Kamakailan lang ay ni-recruit ng T1 si Gabbi para magsilbing stand-in carry sa DPC SEA Regional Finals at nilagay naman si Nuengnara “23savage” Teeramahanon sa inactive roster.

Sa post-match interview pagkatapos nilang ma-outlast ang Fnatic sa isang napakahabang series, inilahad ni Filipino captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad ang dahilan kung bakit nila kinuha ang 11K MMR Pinoy carry bilang pamalit sa 12K MMR Thai pro sa panapos na torneo ng Winter Tour.

“I feel that he (Gabbi) is not an upgrade or (a) downgrade. They (Gabbi and 23savage) are both good players. (It’s) just maybe (on) some communication part only,” paliwanag ni Kuku.

(Hindi naman upgrade o downgrade si Gabbi. Parehong magaling na player sina Gabbi at 23savage. Siguro dahil lang sa communication kaya namin siya kinuha.)

At mukhang hindi nga nagkamali ang South Korean esports organization sa naging desisyon nito nang magpakitang-gilas si Gabbi sa deciding game ng matinding best-of-three series kontra sa dati niyang kakampi na si Armel “Armel” Tabios at Fnatic.

Pinangunahan ni Gabbi ang hard-fought 53-minute victory ng T1 matapos tumikada ng 11-1-12 kill-death-assist record at bumitaw ng 47K damage. Naging mautak din ang 23-year-old carry sa kanyang positioning para hindi ma-stun lock ng Lina ni Armel at iba pang heroes ng Fnatic sa mga crucial team fight.

Nakabawi sa wakas ang T1 laban sa Fnatic na tinalo sila sa regular season at tiebreakers ng DPC SEA Division 1.

Pero ang mas importante, umabante sila Gabbi at T1 sa upper bracket final ng DPC SEA Regional Finals kung saan makakabanggaan nila ang Division 1 champion na BOOM Esports, na winalis ang Team SMG kanina.

Sa kabilang banda, nalaglag ang Fnatic sa lower bracket round 1 at haharapin ang SMG para sa tsansang magpatuloy sa kompetisyon na may US$100,000 o mahigit P5 milyon na prize pool at 380 DPC points.

Credit: Beyond The Summit

Subaybayan ang mga pangyayari sa DPC SEA Regional Finals at iba pang rehiyon sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.