Mabilis na winalis ng BOOM Esports ang Team SMG sa unang araw ng Dota Pro Circuit (DPC) Winter Tour Southeast Asia Regional Finals upang agad na makaabante sa upper bracket final ng torneo.

Matapos ang magandang debut ni Lao carry Souliya “Jackky” Khoomphetsavong para sa DPC SEA Division 1 champs gamit ang Medusa sa Game 1, sinunggaban naman ni Pinoy star midlaner Japoy “Yopaj” Ferrer ang spotlight pagdating ng Game 2 sa pamamagitan ng kanyang malupit na performance sa Snapfire.


Snapfire ni Yopaj nagliyab sa unang araw ng DPC SEA Regional Finals

Snapfire ni Yopaj
Credit: Yopaj, Valve

Maganda ang naging panimula ng mid Snapfire ni Yopaj matapos niyang ma-solo kill ang kanyang Team SMG midlane counterpart na si Kam “Moon” Boon Seng sa Ember Spirit.

Matapos makakuha ng Boots of Travel, Blink Dagger at Aghanim’s Shard, isa-isang binoga ng Snapfire ni Yopaj ang mga miyembro ng SMG gamit ang burst damage mula sa Scatterblast (2nd skill). Dahil sa Shard, mayroon itong karagdagang 50% point-blank damage samahan pa ng Level 15 Talent na +75 Scatterblast damage.

On-point din ang pagbitaw ng 20-year-old Pinoy midlaner sa Mortimer Kisses (ultimate) sa tulong ng mga on-target na Sacred Arrow ni Timothy “Tims” Randrup (Mirana) at samu’t-saring disables mula kila Andrei “Skem” Ong (Lion) at Saieful “Fbz” Ilham (Pangolier).

Sa loob ng 39-minute win, dalawang beses tumikada ng ultra kill at naglista rin ng ilang triple kill ang breakout player ng ONE Esports Singapore Major.

Nagtala ang malahalimaw na Snapfire ni Yopaj ng 30 kills at 14 assists kontra sa 2 deaths lamang at nagpakawala ng 45.9K damage upang pangunahan ang napaka-dominanteng 54-23 victory ng BOOM Esports laban sa Team SMG na kumumpleto sa malinis na 2-0 sweep.


BOOM Esports umarangkada sa UB final ng DPC SEA Regional Finals

Dahil sa panalo, pasok na ang BOOM Esports sa best-of-three upper bracket final ng DPC SEA Regional Finals kung saan nakataya ang US$100,000 o mahigit P5 milyon prize pool at 380 DPC points. Hinihintay na lang nila ang mananalo sa pagitan ng Fnatic at T1.

Credit: BOOM Esports

Samantala, bumagsak naman ang Team SMG sa lower bracket round 1 kung saan kakalabanin nito ang matatalo sa kabilang serye.

Sundan ang mga kaganapan sa DPC SEA Regional Finals sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.