Sinunggaban ng BOOM Esports ang unang kampeonato sa Division 1 ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Southeast Asia matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa Winter Tour.

Nagwagi ang BOOM sa anim na serye at natalo lamang sa isa (6-1 series, 14-2 games win-loss) para makuha ang titulo sa DPC SEA Tour 1 Division 1 na may gantimpalang 300 DPC points at US$30,000 (mahigit PHP 1.5 milyon).

Credit: BOOM Esports

Ito na ang ikaapat na sunod na tropeo ng koponan mula noong nagsimulang magdesisyon ang organisasyon na magpatupad ng roster changes pagkatapos kapusin sa The International 10 SEA Qualifier.

Binubuo ngayon ng apat na Pinoy pro at isang Indonesian player, unang napanalunan ng BOOM Esports ang back-to-back titles sa BTS Pro Series Season 8 at 9 bago magwagi sa Mineski Masters.


Ang solidong kampanya ng BOOM Esports sa DPC SEA Winter Tour

Credit: BOOM Esports

Sa mga unang linggo pa lang ng liga, pinatunayan ng BOOM Esports na isa sila sa pinakamalalakas na championship contenders sa DPC SEA Tour 1 Division 1 gaya ng inasahan ng mga fans sa rehiyon.

Isa-isang winalis ng koponang kino-coach ni Chai “Mushi” Yee Fung ang OB Esports x Neon, Fnatic, Team SMG at Motivate Trust Gaming para mahawakan ang No. 1 spot nang may malinis na 4-0 record bago ang holiday break.

Sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya, dinurog nila captain-support Andrei “Skem” Ong at kanyang mga kasamahan ang TNC Predator. Pagsapit ng ikalimang linggo ng liga, hinarap nila ang kanilang pinakamalaking hamon sa anyo ng T1 at hindi pumabor ang resulta sa kanila.

Credit: BOOM Esports

Nalasap ng BOOM ang unang talo nila at naputol ang kanilang 15-game winning streak sa kamay nila Carlo “Kuku” Palad at T1 na kinuha ang beteranong si Kim “QO” Sun Yeob bilang analyst isang araw bago ang kanilang serye.

Sa kabila nito, naselyo pa rin ng BOOM ang titulo matapos ang easy 2-0 sweep kontra Execration at matapos nito ay na-upset naman ng Fnatic ang T1, 2-1, noong Miyerkules.

Samantala, magkakaroon pa ng tiebreaker matches sa pagitan ng Fnatic, T1 at Team SMG para sa 2nd-4th places. May nakalaan na 180 DPC points at US$28,000 para sa 2nd place, 120 DPC points at US$27,000 sa 3rd, at 60 DPC points at US$27,000 sa 4th.

Sigurado namang laglag na ang TNC Predator sa Division 2 sa susunod na Tour habang isa sa Execration, Motivate Trust o OB.Neon ang pwedeng bumagsak din sa mas mababang division.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa Dota Pro Circuit.