Handa nang sumabak sa Dota Pro Circuit (DPC) 2021/22 season ang BOOM Esports matapos kuhain ang Filipino carry na si Justine Ryan “Tino” Grimaldo.

Inanunsyo ng BOOM sa Twitter ang pag-sign nila sa emerging Pinoy carry nitong Sabado ng gabi.

“I’m the new position-1 for BOOM Esports. Happy to be part of the team!” wika ni Tino sa video na inilabas ng koponan.

Sa ngayon, apat na ang Pinoy players sa Dota 2 squad ng sikat na Indonesian esports organization.


Tino makakasama ang tatlong Pinoy sa BOOM Esports

Tino
Credit: Tino

Makakasangga muli ni Tino sa BOOM Esports ang dati niyang kakampi sa amateur team na Quid Pro Quo (QPQ) ang midlaner na si Japoy “Yopaj” Ferrer.

Makakalaro rin niya ang dalawa pang Pinoy na sila Andrei “Skem” Ong (hard support) at Timothy “Tims” Randrup (support/position-4). Si Indonesian offlaner Saieful “Fbz” Ilham ang isa pang miyembro ng koponan.

Ang legendary Malaysian player naman na si Chai “Mushi” Yee Fung ang kanilang coach, na nagsilbi munang stand-in sa BTS Pro Series Season 9 kung saan nakamit nila ang back-to-back championship sa naturang serye ng mga torneo.

Credit: BOOM Esports

Kumpletong lineup ng BOOM Esports

1 – Justine Ryan “Tino” Grimaldo

2 – Japoy “Yopaj” Ferrer

3 – Saieful “Fbz” Ilham

4 – Timothy “Tims” Randrup

5 – Andrei “Skem” Ong

Bago mapunta sa BOOM, nakilala muna si Tino sa Adroit Esports at Smart Omega. Matapos ‘di makapasok sa The International 10, binuwag ng Omega ang Dota 2 team nito.

Naglaro rin siya para sa Sterling Global Dragons sa The Nationals at Geek Fam noong 2018-2019.


BOOM Esports sasalang sa SEA Lower Division

Credit: Beyond The Summit

Sasabak ang BOOM Esports sa DPC 2021/22 Tour 1 Southeast Asia Lower Division kung saan makakasagupa nila ang pitong team para sa dalawang slot sa Upper Division.

Makakalaban ng BOOM ang Lilgun, Nigma Galaxy SEA, 496 Gaming, Army Geniuses at tatlong koponan mula sa Open Qualifier. Ang top two team sa pagtatapos ng Tour 1 ay aangat sa Upper Division kung saan may tsansang makapasok sa Major.

Magsisimula ang DPC Tour 1 SEA Lower Division mula ika-29 ng Nobyembre, 2021 at tatakbo hanggang ika-22 ng Enero, 2022. Nakataya rin dito ang US$75,000 (higit PHP3 milyon) na prize pool.