Bibida na ang position-4 support star na si Timothy “Tims” Randrup para sa Indonesian Dota 2 team na BOOM Esports.
Inanunsyo ng BOOM ang pag-sign nila kay Tims nitong Biyernes ng hapon, dalawang araw matapos maging free agent ng dating TNC Predator standout.
“I’m excited to play under my new organization and new teammates as well,” wika ng Pinoy pro na sikat sa paggamit ng Earth Spirt at Earthshaker.
Ito pa lamang ang ikaapat na koponan ng 24-year-old stalwart matapos maglaro para sa Execration, Rave at TNC kung saan nagtagal siya nang halos limang taon.
Pinakawalan ng TNC kamakailan ang buong Dota 2 roster nito na kinabibilangan din ng mga longtime teammates ni Tims na sila Kim “Gabbi” Villafuerte at Armel “Armel” Tabios matapos kapusin sa pag-qualify sa The International 10.
Natalo ang TNC, na dating players din sila Marvin “Boomy” Rushton at Jun “Bok” Kanehara, sa kamay ng Fnatic sa pamamagitan ng mapait na 3-2 reverse sweep sa finals ng TI10 SEA qualifier.
Tims makakasama sila Skem at Yopaj
Makikipagsanib-pwersa si Tims sa mga kapwa Pinoy pro na sila Andrei “Skem” Ong at Japoy “Yopaj” Ferrer na lumipat sa BOOM mula sa OB Esports x Neon nitong buwan lang din.
Mukhang hindi na masyadong mangagapa ang pos-4 star dahil nakasama na niya sila Skem at Yopaj noong maglaro siya bilang stand-in sa Neon para sa PNXBET Invitationals Season 2 at BIX Invitationals Summer.
Magiging kakampi rin niya ang isa pang Pinoy na si ex-Execration carry Jinn “Palos” Lamatao na nagsisilbi ngayong stand-in ng BOOM.
Kasalukuyang lineup ng BOOM Esports:
1- Jinn Palos Lamatao (stand-in)
2 – Japoy “Yopaj” Ferrer
3 – Saieful “FBz” Ilham
4 – Timothy “Tims” Randrup
5 – Andrei “Skem” Ong
Tims magsisimulang maglaro para sa BOOM Esports sa BTS Pro Series
Sasabak agad sa aksyon ang TI9 All-Star member kasama ang BOOM Esports sa gumugulong na Beyond The Summit (BTS) Pro Series Season 8: Southeast Asia.
Kalaban ni Tims at ng BOOM ang dati niyang kakampi sa TNC na si Damien “kpii” Chok na naglalaro na ngayon para sa Team SMG.
Nasa No. 2 spot sa ngayon ang BOOM na may 3-3-0 record sa 10-team regional tournament na may $60,000 (halos P2 milyon) na prize pool.