Bagong salta pa lang si Kim “QO” Sun Yeob bilang analyst ng T1 pero mukhang abala na agad ang Dota 2 veteran sa kanyang bagong trabaho.

Kinuha ng South Korean organization si QO noong ika-14 ng Enero para magsilbing analyst nito at matulungan ang dati niyang kakampi at malapit na kaibigan na si Park “March” Tae-won, ang coach ng koponan.

QO bilang analyst ng T1
Credit: T1 Twitter
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Tatlong taon na magkakampi sila QO at March sa MVP Phoenix kung saan dinomina nila ang Korea Dota League at nakapasok sila sa The International 2014 bago makamit ang Top 8 finish sa sumunod na TI.

Parte rin si QO ng MVP Phoenix team na nagtapos sa Top 6 sa TI6 at Fnatic squad na nakasali sa TI7.


QO inaaral ang pub games ng T1 players

QO sa MLG
Credit: MLG

Sa interview matapos ang kanilang 2-0 sweep kontra BOOM Esports, inilahad ni T1 captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad ang mga ginagawa ni QO upang matulungan sila sa kanilang kampanya sa gumugulong na Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 Tour 1 Southeast Asia Division 1.

Ayon kay Kuku, sinusuring mabuti ng 28-year-old pro ang pub games ng bawat miyembro ng koponan at binibigyan sila ng mga mahahalagang impormasyon na nakukuha niya, partikular na ang kanilang mga “winning heroes” na maaari nilang gamitin pagdating sa torneo.

Mukhang nagkaroon agad ng impact sa koponan ang South Korean-Australian Dota legend dahil isang araw pa lang matapos siyang kuhain ng T1 bilang analyst, nagawang putulin ng koponan ang 15-game winning streak ng BOOM.

Dinumihan din nila Kuku at kanyang crew ang dating malinis na kartada ng Indonesia-based squad na binubuo ng apat na Pinoy pro sa DPC SEA Tour 1 Division 1.

Dahil sa dominanteng panalo, tabla sa ngayon ang T1 at BOOM Esports sa No. 1 spot ng Division 1 na parehong may hawak na 5-1 series win-loss record. May tig-isang serye na lang na natitira ang dalawang koponan sa liga.

Bagamat kanselado na ang Winter Major, mahalaga pa rin na masunggaban ang top finish sa Regional League dahil may gantimpala itong 300 DPC points bukod pa sa US$30,000 (mahigit PHP 1.5 milyon) na champion’s prize.

Makakalaban ng T1 ang Fnatic sa ika-19 ng Enero, ganap na ikapito ng gabi, para sa huling serye nila sa Winter Tour. Mapapanood ang laban sa opisyal na Twitch channel ng Beyond The Summit habang ang Filipino broadcast naman ay masusubaybayan sa Facebook at YouTube channel ng LuponWXC.

Sundan ang mga kaganapan sa DPC SEA at iba pang rehiyon sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.