Hindi na matutuloy ang unang Major ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022.

Ito ang inanunsyo ng game developer na Valve Corporation nitong Miyerkules sa isang blog post sa website ng Dota 2.

Napagdesisyunan ng Valve na ikansela ang Winter Major dahil sa kahirapang magdaos ng isang LAN tournament ngayong mas pinahigpit ang travel restrictions sa iba’t-ibang parte ng mundo sanhi ng mga lumalabas na panibagong strain ng COVID-19, kabilang na rito ang Omicron variant.

Winter Major kanselado
Credit: Valve

Nakakalungkot na balita ito para sa mga koponan na nakaselyo na ng kanilang pwesto sa unang Major ng taon pati na rin sa mga nangungunang koponan sa DPC Regional Leagues na malapit na sanang makakuha ng slot sa naturang torneo.

Pasok na sana ang Team Liquid ng Western Europe at Quincy Crew ng North America sa Winter Major samantalang napipisil na makausad sa kompetisyon ang BOOM Esports at T1 ng Southeast Asia, The International 10 champion na Team Spirit ng Eastern Europe, PSG.LGD ng China at Thunder Predator ng South America.

Hindi ito ang unang beses na nagkansela o nag-postpone ang Valve ng isang LAN event dahil sa COVID-19. Matatandaang nakansela ang Los Angeles Major noong 2020 at sunod na na-postpone ang TI10 na na-move sa 2021.


DPC points sa Winter Major inilipat sa ikalawa at ikatlong Major

Dahil hindi na magaganap ang Winter Major, nagdesisyon ang Valve na ilipat ang nakalaang DPC points dito sa dalawa pang nakatakdang Major ngayong taon. Samakatuwid, mas malaki ang makukuhang DPC points ng top teams sa ikalawa at ikatlong Major kumpara sa unang nakalaan para sa mga ito.

Ayon sa Valve, ginawa nila ito para manatiling balanse ang distribusyon ng DPC points na ginagamit para matukoy kung anu-anong koponan ang bibigyan ng direct invite sa The International.

Credit: Valve

Sinabi rin ng Valve na tututukan nila ang sitwasyon patungkol sa international travel para sa mga susunod na Major. Samantala, walang inilahad na update ang kompanya patungkol sa magiging prize pool at distribution sana ng nakanselang LAN tournament.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita tungkol sa DPC 2021-2022.