Wala na ang huling pag-asa ng Southeast Asia sa The International 10 matapos ilaglag ang T1 ng Vici Gaming, 2-1, sa kanilang bakbakan sa Lower Bracket Round 3.

Nagtapos ang hari ng SEA sa 7th-8th place at mag-uuwi ng US$1,000,500 o mahigit PHP50 milyon sa pagtatapos ng kanilang TI debut.


T1 babawi sa The International sa susunod na taon sabi ni Kuku

T1 babawi sa susunod na TI, sabi ni Kuku
Credit: Valve

Sa kabila ng kanilang pag-exit sa pinakamalaking Dota 2 tournament ngayong taon, pinuri ng five-time TI veteran at Pinoy captain Carlo “Kuku” Palad ang kanyang mga kakampi sa T1 na pawang mga rookie sa The International.

“I think they played good,” sabi ni Kuku sa post-match interview. “Our performance is not really bad this TI run. We just felt short. They (Vici Gaming) are just the better team for now.”

Nagpasalamat din ang 25-year-old offlaner sa lahat ng sumuporta sa kanyang koponan mula sa SEA at sinabing babalik sila sa susunod na TI.

“Shoutout to SEA fans and SEA players. I think we need to come back next year again.”

At nang tanungin ni TI10 host Alvaro “Avo+” Sanchez Velasco sa dulo ng panayam kung babalik sila nang mas malakas sa susunod na taon, matawa-tawang sumagot si Kuku: “I think so.”


T1 nagpakita ng solidong team play gamit ang comfort heroes sa Game 1

Credit: Valve

Matapos makuha ang comfort heroes na Lina para kay Pinoy star midlaner Karl Matthew “Karl” Baldovino at Magnus para kay Pinoy captain Carlo “Kuku” Palad, agad na umariba ang T1 sa panimulang laban.

Lalong nakaalagwa ang pambato ng Southeast Asia nang manaig sa isang clash sa bandang 23-minute mark kung saan nagpakita sila ng matinding chain stun na nagresulta sa triple kill para kay Karl.

Pumalag pa ang beteranong Chinese organization nang mapababa na nila ang Black King Bar duration sa panig ng T1 at nagsilbing main damage dealer ang Leshrac ni Zeng “Ori” Jiaoyang.

Pero hindi pinayagan ng T1 na maka-comeback pa ang VG. Sa Roshan fight sa bandang 39 minuto, nahuli ni Kuku ang tatlong VG heroes gamit ang Reverse Polarity at tuluyan nilang inubos ang mga kalaban bago rumekta sa Radiant ancient.

Nag-apoy si Karl sat naglista ng 20 kills at 11 assists kontra isang death lamang habang si Kuku ay kumolekta ng 24 assists laban sa five deaths sa 39-16 dominasyon sa loob ng 41 minuto.


Vici Gaming bumawi sa Game 2

Credit: Valve

Nanganganib na malaglag sa TI10, maagang kinuha ng Vici Gaming ang kalamangan sa Game 2 salamat sa malikot na position-4 Weaver ni Xiong “Pyw” Jiahan.

Bagamat unti-unting nakahabol ang T1 at naagaw pa nga ang kalamangan pagdating sa kill score, isang malaking initiation mistake ang kanilang nagawa na nagresulta sa pagkakapitas ng Monkey King ni Nuengnara “23savage” Teeramahanon sa bandang 32 minuto.

Rumekta ang VG sa Roshan at napitas pa si Karl sa Dragon Knight bago iselyo ang tabla sa pamamagitan ng team fight victory sa tier-3 Dire tower area ng T1.


Vengeful Spirit ni old eLeVeN nilason ang T1 sa Game 3

Credit: Valve

Nag-draft ang T1 ng team fight-centered lineup sa panguguna ng Magnus ni Kuku, Tidehunter ni Kenny “Xepher” Deo at Batrider ni Karl sa Game 3 pero pinawalang-bisa ito ng Vengeful Spirit pick ng Vici Gaming para sa beteranong si Ren “old eLeVeN” Yangwei.

Nakuha ng T1 ang kalamangan sa bandang 15-minute mark matapos manalo sa isang team fight kung saan nagpakawala si Xepher ng malupit na Ravage.

Ngunit nang makuha na ni old eLeVeN ang kanyang Aghanim’s Scepter, ito na ang naging hudyat ng pag-arangkada ng Chinese team. Sinira niya ang mga planong initiation ng T1 at tinulungang mabaliktad ang mga clash sa pabor ng VG.

Matapos basagin ang bottom at mid set ng barracks ng T1, tinapos ng VG ang serye sa isang team fight victory sa loob ng mismo ng base ng koponan mula sa SEA.


Umabante ang Vici Gaming para harapin ang kapwa Chinese team na Invictus Gaming sa Lower Bracket Round 4. Nasiguro rin ng koponan ang 5th-6th place finish na may kasamang US$1,400,600 o mahigit PHP71 milyong premyo.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook channels. Masusubaybayan din ang mga kaganapan sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary presented by foodpanda.