Siguradong mainit ang BOOM Esports papasok sa Dota Pro Circuit (DPC) Southeast Asia Tour 1 Division 1 dahil sa pag-reverse sweep nito sa Motivate Trust Gaming, 3-2, para masunggaban ang kampeonato sa Mineski Masters nitong Linggo.

Ito na ang ikatlong sunod na titulo ng BOOM, na binubuo ng apat na Pinoy pro at isang Indonesian player, matapos ang kanilang back-to-back championship sa BTS Pro Series.


BOOM Esports pinatumba ang Motivate Trust sa matinding grand finals

BOOM Esports nag-flex bago ang DPC, kinuha ang kampeonato sa Mineski Masters
Credit: BOOM Esports

Nasa bingit na ng isang sweep ang BOOM Esports sa kamay ng Motivate Trust Gaming na umakmang mag-comeback sa likod ng malahalimaw na Medusa ni Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong sa Game 3.

Pero niligtas ni Timothy “Tims” Randrup ang Indonesia-based squad gamit ang kanyang Dark Willow. Armado ng Aghanim’s Scepter, Moon Shard at Daedalus, niratrat ni Tims ng Shadow Realm attacks ang napakakunat na Medusa at mabilis na tinunaw ito para mapanatiling buhay ang BOOM sa title series.

Pinangunahan nila midlaner Japoy “Yopaj” Ferrer sa Puck at Indonesian offlaner Saieful “Fbz” Ilham sa Viper ang dominanteng 33-minute panalo ng BOOM sa Game 4 para maipuwersa ang winner-take-all.

Matindi ang bakbakan sa deciding Game 5 kung saan nakapag-ipon ang Thai team ng 7K net worth na bentahe sa mid game.

Pero nanakaw ng BOOM ang kalamangan matapos magwagi sa isang napakahabang Roshan fight sa 45-minute mark na pinangunahan ng Zeus ni Yopaj at tinapos ng malupit na Chronosphere-Eclipse combo nila Justine “Tino” Grimaldo (Faceless Void) at Tims (Luna) para puksain si JaCkky (Terrorblade).

Dumiretso ang BOOM sa mid lane at sinubukan pa ngang tapusin ang laro ngunit nakapag-depensa pa ang MG.Trust sa pangunguna ng Batrider ni Poomipat “GACHABOI” Trisiripanit (kilala rin sa IGN na Fearless).

Pero dahil sa napakalaking gold na kanilang nakuha, nabili ng BOOM ang mga kinakailangang item tulad ng Refresher Orb para tuluyang tapusin ang laro. Sa panapos na team fight, nakontrol ni Tino si JaCkky gamit ang double Chronosphere kasama pa ang sabunot ng Fiend’s Grip ng Bane ni Andrei “skem” Ong.

Pinadapa rin ng Indonesian esports org ang Inter Active Philippines (2-0), OB Esports x Neon (2-1) at UD Vessuwan (2-0) sa kanilang nagbabagang upper bracket run patungo sa champion’s prize na PHP400,000.


BOOM Esports nag-flex bago ang DPC SEA Tour 1 Division 1

Credit: Beyond The Summit

Matapos ang ikatlong sunod na kampeonatong nakuha nila sa Mineski Masters, inaasahan ngayon na isa ang BOOM Esports sa mga paboritong maghari sa papalapit na DPC SEA Tour 1 Division 1.

Susubukan ng BOOM na panatilihin ang kanilang momentum sa pagharap kontra sa The International 10 top eight finisher na T1 at top 12 placer na Fnatic maging sa TNC Predator, Execration at Team SMG. Makakasagupa rin nila ulit ang Motivate Trust Gaming at Neon Esports sa Division 1 kung saan paglalabanan ang mga slot ng rehiyon sa Dota 2 Major tournaments.

Nakabalik ang BOOM sa Division 1 matapos masampal ng ban ang Smart Omega dahil umano sa match-fixing.

Gaganapin ang DPC SEA Tour 1 Division 1 mula sa unang araw ng Disyembre, 2021 hanggang sa ika-22 ng Enero, 2022. Bukod sa mga slot sa Major, nakataya rin dito ang 690 DPC points at US$205,000 (higit PHP10 milyon) na prize pool.

Mapapanood ang opisyal na English stream ng liga sa Twitch channel ng Beyond The Summit. Ihahatid naman ng LuponWXC ang opisyal na Filipino broadcast sa kanilang FacebookYouTube at Twitch platforms.