Banned na ang Dota 2 team na Omega Esports, kabilang na ang ilan sa mga miyembro nito, sa lahat ng Valve-sponsored events, gaya ng Dota Pro Circuit League, Majors, at The International, dahil sa matchfixing.

Inilathala ng Beyond the Summit, ang organizer ng DPC League para sa Southeast Asia, ang naturang hatol, sa kanilang social media, Martes ng gabi. Bukod sa organisasyon, epektibo rin ang nasabing ban sa mga pinangalanang manlalaro.

Ang mga Dota 2 players na banned dahil sa matchfixing:

  • (Omega Esports player) Dave “Hiro” Miyata
  • (Omega Esports player) Prince “Prince” Daculan
  • (Omega Esports player) Patt Piolo “Piolz” Dela Cruz
  • (Omega Esports player) Ryniel Keit “Zenki” Calvez
  • (Execration player) Van Jerico “Van” Manalaysay
  • (Omega Esports Coach) Chris Ian Francis “CTY” Maldo

Samantala, hindi na isinapubliko pa ng Beyond The Summit ang iba pang detalye ukol sa naging desisyon, katulad ng partikular na laro, petsa ng pangyayari, at kung ano-ano pa.

Ang mga pagbabago sa DPC SEA League matapos ang Omega Esports ban

Kaakibat ng anunsyo ukol sa Omega Esports ban ang mga pagbabagong magaganap sa papalapit na Tour. Ayon sa Beyond the Summit, mapupunta sa BOOM Esports, ang 7th placer noong nakaraang season, ang Division I slot sa DPC SEA League ng diskwalipikadong koponan.

Dota 2 team ng Omega Esports na-ban dahil sa matchfixing
Credit: Beyond The Summit

Magdadaos din ang Beyond The Summit ng closed qualifier para sa Division II, kung saan tampok ang tatlong teams mula sa ikalawang open qualifier, para mapunan ang slot na iniwan naman ng BOOM Esports.

Para sa Execration, papayagan silang maghanap ng kapalit ni Van para maituloy ang kanilang kampanya sa unang Tour ng DPC SEA League.

Sa oras ng paglathala, wala pang opisyal na pahayag ang Omega Esports ukol sa naging hatol ng Beyond The Summit.


Samantala, nakatakda namang magsimula ang DPC SEA 2021-2022 Tour 1: Division II sa ika-29 ng Nobyembre.